Bath

House prosecution: Depensa ni VP Sara di bloodbath, parang ‘bubble bath’

405 Views

PINUNA ng tagapagsalita ng House prosecution panel nitong Biyernes si Pangalawang Pangulo Sara Duterte—na una nang nagsabing gusto niya ng isang “duguan” na paglilitis sa kanyang impeachment case—dahil ngayon ay tila iniiwasan na umano nito ang mga seryosong paratang sa pamamagitan ng pagkapit sa teknikalidad at simpleng pagtanggi sa kanyang Answer Ad Cautelam.

“Di ba sabi niya gusto niya ng trial, gusto niya ng bloodbath,” ani Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng prosekusyon.

“Eh bubble bath eh, hindi bloodbath,” dagdag pa niya, na may halong panunuya.

Binalaan niya na imbes na harapin nang direkta ang mabibigat na alegasyon, tila mas inuuna raw ng kampo ni Duterte na hadlangan ang pag-usad ng paglilitis.

Ngayong Biyernes, pormal nang inihain ng prosekusyon ang kanilang Reply sa Answer Ad Cautelam ni Duterte, kung saan iginiit nilang puno ito ng “mga maling pananaw, kasinungalingan, at pangkalahatang pagtanggi.”

Ayon kay Bucoy, bigo ang kampo ni Duterte na sagutin nang partikular ang mga alegasyong paktwal. Sa halip, puro pangkalahatang pagtanggi raw ang isinagot nito.

“Ano ba ‘yung general denial?,” tanong ni Bucoy.

“Hindi ho niya sinagot ‘yung mga factual allegations. Sinabi lang niya, ‘hindi totoo ‘yan.’ Ang problema sa general denial, hindi mo sinagot in particular ‘yung sakdal. Dapat kasi, pag dine-deny mo, sasabihin mo kung bakit.”

Paliwanag pa niya, sa ilalim ng batas, maituturing na pag-amin ang ganitong uri ng pagtanggi kapag walang malinaw na paliwanag.

“Ngayon ho sa batas, ang general denial ay considered as admission,” aniya.

Isa sa mga seryosong alegasyong hindi raw naitangi ng kampo ni Duterte ay ang umano’y maling paggamit ng P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw, base sa mga ulat ng audit.

“Hindi niya itinanggi ‘yan. Hindi niya itinanggi ‘yung mga liquidation documents. Sinabi namin fake ito, fictitious ‘yung taong ito. Hindi niya ina-address ’yun,” sabi ni Bucoy.

Dagdag pa niya, hindi rin sinagot ni Duterte ang akusasyong sinubukan umano nitong pigilan ang paglabas ng mga dokumento mula sa Commission on Audit (CoA), kabilang na ang umano’y pressure na inilapat sa CoA para huwag maglabas ng records.

“Marami siyang hindi tinanggi,” ani Bucoy.

“Kung magde-deny ka, dapat sabihin mo kung bakit. Hindi totoo ‘yan sapagkat ito ang tunay na nangyari,” giit niya.

Kinondena rin ni Bucoy ang kampo ni Duterte sa pagsubok na ilihis ang usapan mula sa nilalaman ng kaso sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga procedural objections gaya ng forum-shopping at jurisdictional issues, sa halip na sagutin ang aktwal na mga paratang.

Aniya, hindi dapat ma-distract ang Senado, na magsisilbing Impeachment Court, sa ganitong mga taktika. Ang tunay na tanong daw ay kung karapat-dapat pa bang manungkulan ang Pangalawang Pangulo batay sa mga paratang sa kanya.

“Mas binibigyan ng halaga ‘yung may lesser value kaysa sa mas importante,” aniya.

“Ano bang mas importante dito? ‘Yung substance, ‘yung katotohanan. Hindi ‘yung procedure, teknikal.”

Kahit pa may mga pahayag si Duterte sa publiko na tila sinasalubong ang trial, duda si Bucoy na tunay itong nais ng kanyang kampo batay sa kanilang mga legal na hakbang.

“Walang paliwanag. Nasa impeachment na tayo, nag-file ng answer, wala pa ring paliwanag. Lahat po tayo nanghuhula pa rin,” pagtatapos niya.