Calendar
Vice President Sara Duterte
May written contract ba pag nagpapapatay ng tao? Depensa ni VP Sara sinita ng House prosec spox
PARA sa prosekusyon, katawa-tawa ang naging depensa ng kampo ni Vice President Sara Duterte na walang kontrata na magpapatunay na mayroon itong kinontrata upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Punto ni Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng House prosecution panel, kalokohan na gumawa ng kontrata para sa isang gawaing ilegal at ipanotaryo pa ito.
“Alam n’yo ho ‘yung pagkontrata ng mamamatay-tao hindi ho naman sinusulat ‘yan eh. Hindi ho ba? Hindi naman sinusulat ‘yan. I agree to kill, etc. Walang gano’n eh, kasi illegal eh,” ani Bucoy.
“So anong kontrata ang pinag-uusapan natin? Kontrata na nasa kasulatan, naka-notary, come on,” dagdag pa ni Bucoy.
Tumugon si Bucoy sa argumento ng Bise Presidente sa kanyang Answer Ad Cautelam na walang nakasulat na kontrata upang suportahan ang alegasyon na siya’y nagplano ng pagpatay sa mag-asawang Marcos at kay Speaker Romualdez.
Ginawa ni Duterte ang pahayag sa isang recorded na panayam kung saan sinabi niyang hindi siya nagbibiro nang sabihin niyang kumontrata siya ng mamamatay-tao.
Ang banta ay isa sa mga naging basehan ng Articles of Impeachment laban sa kanya, kasama ng mga paratang ng katiwalian at maling paggamit ng pondo ng bayan.
Kalaunan ay iginiit ni Duterte na ang pahayag ay isang biro lamang, ngunit inulit niya ito sa isa pang panayam sa media.
“Siya na rin ang nagsabi, komontrata ako ng assassin, ng mamamatay-tao. Hindi naman sa amin nanggaling ‘yan, sa kanya. At inulit pa niya, hindi ho ba. Another interview, inulit niya,” diin ni Bucoy.
Kinuwestiyon din ni Bucoy ang lohika sa paghingi ng ebidensya ng nakasulat na kasunduan para sa isang lantaran at ilegal na gawain, at iginiit na ang mga pahayag ni Duterte ay maaaring ituring na admission against interest.
Hinamon din ng prosekusyon ang tinawag nilang selective use ni Duterte ng mga panayam sa media bilang ebidensya, binanggit ang paggamit niya sa isang televised interview ni House Secretary General Reginald Velasco bilang depensa sa ibang usapin.
“Siya mismo ginagamit din niya, admission against interest, ginagamit din niya against the Secretary General ‘yung interview ni Karen Davila,” ani Bucoy.
“Ginagamit mo ‘yun pero ayaw mong gamitin namin ‘yung ginawa mo on live broadcast. So selective, kung ano ‘yung makakapabor sa kanya do’n siya. Kung hindi, ayaw niya. Di ho ba,” dagdag pa niya.
Isinumite ng prosekusyon nitong Biyernes ang kanilang Reply sa Answer Ad Cautelam ni Duterte, kung saan ibinasura nila ang legal na estratehiya sa impeachment proceedings sa pamamagitan ng pagtutok sa procedural arguments at constitutional interpretations sa halip na direktang sagutin ang mga alegasyon.

