House prosecution panel spokesperson Atty. Antonio Bucoy House prosecution panel spokesperson Atty. Antonio Bucoy

House prosecution panel tiwala sa proseso ng impeachment — spox

287 Views

PATULOY na nagtitiwala ang House prosecution panel sa proseso ng impeachment at naniniwala na tutuparin ng mga senator-judges ang kanilang tungkuling itinatadhana ng Konstitusyon sa oras na magsimula ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

“We trust the process of impeachment. We (also) trust that the senator-judges will perform their constitutional duty and abide by their oath,” ani House prosecution panel spokesperson Atty. Antonio Bucoy sa isang press conference noong Biyernes.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtitiwala sa proseso upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan.

“Kung hindi tayo magtitiwala sa proseso, there will be chaos. We are a democracy. We are governed by rules. We are governed by law. Kung mawawalang bisa ang batas, there will be chaos. There should be order. Kaya nandiyan ang batas for order. Kaya ho rule of law is primordial,” ayon kay Bucoy.

Nauna nang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na walang limitasyon ang impeachment court sa mga mosyon na maaari nitong desisyunan dahil “everything is possible” kasama na ang pagbasura sa Articles of Impeachment nang walang ginagawang paglilitis.

Aminado si Bucoy na walang kakayahan ang mga tagausig na pigilan ang mga senator-judges kung sakaling i-dismiss nila ang impeachment case ng hindi man lamang tinitingnan ang mga ebidensya.

Sa ganitong sitwasyon, iginiit ni Bucoy na maaaring dalhin ang usapin sa Korte Suprema.

“Ang recourse namin… ‘pag nangyari ‘yan, maaring umakyat kami sa Supreme Court. Wala tayong magagawa kung mas matagal siya, nandiyan na ‘yung sitwasyon, hindi naman puwedeng tanggapin na lang natin,” paliwanag niya.

Gayunman, nanatiling umaasa si Bucoy na gagawin ng mga senador-hukom ang tama ayon sa kanilang konsensya at tungkulin.

“Hopefully hindi tayo aabot doon,” aniya.