Calendar
Ang kauna-unahang Parliamentary Elections ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay matutuloy ayon sa iskedyul sa Oktubre 13, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia sa Stakeholders’ Briefing na ginanap sa Palacio del Gobernador sa Maynila noong Biyernes, Hunyo 27, 2025.
Tiniyak ni Garcia sa mga mamamayan ng Bangsamoro na ang halalan ay isasagawa sa paraang malaya, patas, tapat, kapani-paniwala, bukas, ligtas, at mapayapa.
Source: Comelec
Comelec: BPE tuloy sa Oktubre 13
KINUMPIRMA ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes na tuloy na tuloy ang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections sa darating na Oktubre 13.
“Sa ating publiko, sa mga mamamayan ng Bangsamoro – tuloy na tuloy po ang Bangsamoro Parliamentary Elections sa October 13. Magpapatuloy ang Comelec sa pagsasagawa ng halalan at malinaw po iyan,” pahayag ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa ginanap na Stakeholders’ Briefing sa Palacio del Gobernador sa Maynila.
Tiniyak ni Garcia sa mga taga-Bangsamoro na ang halalan ay isasagawa sa malaya, patas, tapat, kapani-paniwala, bukas, ligtas, at mapayapang paraan.
Ipinahayag rin niya ang plano ng Comelec na i-redeploy o ilipat ang ilang pwersa ng mga deputized law enforcement agencies gaya ng Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Marines, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard bilang bahagi ng peacekeeping operations upang tiyakin ang kaayusan at pigilan ang sinumang armadong grupo na sisira sa halalan.
Hinimok din ni Garcia ang mga mamamayan ng Bangsamoro na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at piliin ang mga magiging miyembro ng unang Bangsamoro Parliament sa darating na halalan.
“Karapatan ninyo ito. Bahagi ito ng inyong kalayaan. Isang makasaysayang halalan ito para sa mga mamamayan ng Bangsamoro Region. Ito na ang ‘Bagong Simula ng Bagong Bangsamoro,’” aniya.
Nauna nang sinabi ng Comelec na target nilang simulan ang pag-imprenta ng mahigit 2 milyong opisyal na balota sa buwan ng Agosto. PNA

