Exam

Exam para sa air traffic controllers ginanap

432 Views

GINANAP ang Comprehensive Air Traffic Service (CATS) qualifying examination ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong Hunyo 28 sa mga itinakdang testing center sa buong bansa.

Sabay-sabay na isinagawa ang pagsusulit sa CAAP Central Office at mga regional centers sa Isabela, Clark, Jolo, Occidental Mindoro, Davao, Bohol-Panglao, Tacloban, Pagadian, Laguindingan at Coron.

Sinubaybayan ito ng mga proctor at kinatawan mula sa Air Traffic Service (ATS), Civil Aviation Training Center (CATC), Human Resource and Management Department ng CAAP at ng mga area at airport manager ng bawat rehiyon.

Binigyang-diin ni CAAP Director General Raul Del Rosario ang kahalagahan ng pagsusulit bilang isang pamumuhunan sa bagong henerasyon ng mga propesyonal sa aviation na magtataguyod sa kinabukasan ng himpapawid ng Pilipinas.

Ang programang ito ay suportado ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Transportation Secretary Vince Dizon na bigyang-pansin ang makataong pag-unlad.

Ang qualifying exam ay nagsisilbing mahalagang hakbang para sa mga nagnanais maging bahagi ng air traffic control at aviation communication systems.

Sa pamamagitan ng pagsusuri, sinisiguro ng CAAP na ang mga karapat-dapat at dedikadong aplikante lamang ang mapipili upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng ating himpapawid.