BI

BI: Pagproseso sa pag-isyu ng PH ID higpitan

398 Views

NANAWAGAN ang Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na responsable sa pag-isyu ng mga opisyal na dokumento ng Pilipinas na higpitan pa ang kanilang mga proseso upang maiwasan ang panloloko ng mga dayuhan sa pagkuha ng identidad ng isang Pilipino.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado kaugnay ng tumataas na bilang ng mga banyagang iligal na gumagamit ng pekeng dokumentong Pilipino, na ayon sa kanya ay isang seryosong banta sa pambansang seguridad.

“Banta ito sa seguridad ng bansa dahil nagkakaroon ng pagkakataon ang mga banyagang ito na makihalo sa lipunan gamit ang hindi nila tunay na pagkakakilanlan at posibleng sangkot sa mga ilegal na gawain,” ani Viado sa isang pahayag.

“Matagal na naming itinataas ang isyung ito, at inuulit namin ngayon. Kailangang suriin at repasuhin ang mga patakaran sa pag-isyu ng mga dokumentong Pilipino upang mapigilan ang ganitong pangyayari.”

Ang pahayag ni Viado ay kasunod ng pagkakaaresto sa isang 45-anyos na Chinese national na nagpapanggap bilang Pilipino sa Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang banyaga bilang si Wu Zhishi, na naaresto noong Hunyo 25 matapos mahuling gumagamit ng mga pekeng Philippine ID cards, kabilang ang isa na ginamit upang kumuha ng lisensya para sa baril.

Si Wu, na unang nagpahayag ng pagiging holder ng expired retiree’s visa at tumangging may ginawang mali, ay kasalukuyang nasa custody ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) habang nilalakad ang kanyang deportation proceedings.

PNA