Calendar
House prosecution legal spokesperson at counsel Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
IMPEACHMENT TRIAL NI VP SARA TAPUSIN NA
Tolosa nanawagan ng agarang pagtatapos sa impeachment trial
SA KABILA ng pagkakaiba sa pulitika, iisa ang hangarin ng mga tagasuporta at kritiko ni Vice President Sara Z. Duterte na matapos na ang paglilitis sa impeachment laban sa kanya nang walang karagdagang pagkaantala, ayon kay House prosecution legal spokesperson at abogado Benjamin “Jay” Tolosa Jr. nitong weekend.
Ipinahayag ni Tolosa ang pag-asang matatapos ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa susunod na linggo, upang manatiling posible ang paglalabas ng hatol bago matapos ang taon.
“Sa palagay ko, kapwa ang mga sumusuporta at hindi sumusuporta sa bise presidente ay may iisang damdamin na gusto na nilang matapos ito sa lalong madaling panahon,” ani Tolosa sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Binanggit niya na karamihan din sa mga senador-huwes ay nagpahayag ng kagustuhang tapusin na ang mga paglilitis sa impeachment.
“Kaya sana, tapusin na natin ito,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa posibleng dahilan ng paulit-ulit na kahilingan ng depensa na ipagpaliban ang mga pagdinig, tumanggi si Tolosa na magbigay ng haka-haka ngunit ipinahiwatig na maaaring nahihirapan itong makakuha ng mga testigo.
“Baka nahihirapan silang humanap ng mga testigo,” aniya.
Gayunman, iginiit ni Tolosa na anuman ang dahilan ng mga pagpapaliban, nararapat lamang na umusad ang mga paglilitis tungo sa isang resolusyon.
“Anuman ang kanilang dahilan, para sa amin, dapat nang matapos ito,” aniya.
Nakatakdang ipagpatuloy ng Senate impeachment court ang mga pagdinig mula Disyembre 1 hanggang 4, matapos kanselahin ang mga pagdinig noong Nobyembre 26 at 27 dahil sa kawalan ng mga abogado at testigo ng depensa.
Sa kabila ng nakatakdang apat na araw ng pagdinig, dalawa pa lamang ang tinukoy na testigo ng depensa hanggang sa kasalukuyan. Sila ay sina Bureau of Customs Deputy Commissioner Agaton Teodoro Uvero at Dr. Lourdes Tingson-Lebosada, dating kasosyo sa negosyo ni Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Duterte.
Sinabi ni Tolosa na posible pa ring mailabas ang hatol bago matapos ang taon kung matatapos ng depensa ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya ayon sa itinakdang iskedyul at wala nang karagdagang pagkaantala.
Tinapos ng House prosecution ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya noong Oktubre 21, matapos magharap ng mga dokumentaryo at testimonial na ebidensya kaugnay ng umano’y hindi idineklarang mga ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at Carpio na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P817.87 milyon mula 2022 hanggang 2025.
Ang Article II, na tumutukoy sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, ang natatanging natitirang kasong impeachment laban kay Duterte, na itinanggi ang anumang maling gawain.
