Gulpi Source: PRO9

PNP aksyon agad sa Basilan school bullying; 2 CICLs nasa kustodiya na

Alfred Dalizon Jul 5, 2025
491 Views

AGAD na kumilos ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa insidente ng pananakit at pananakot sa isang mag-aaral ng Basilan National High School sa Isabela City sa Basilan kung saan sangkot ang ilang menor de edad.

Ang insidente ay nagdulot ng matinding pag-aalala sa publiko matapos kumalat sa social media ang isang video na nagpapakita ng marahas na pananakit sa isang 15-anyos na estudyante.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, personal na nagtungo sa Isabela City Police Station (ICPS) ang ama ng biktima noong Hunyo 26 upang i-report ang pananakit sa kanyang anak ng dalawang kapwa estudyante—parehong menor de edad—malapit sa palikuran ng paaralan.

Ayon sa ama, pinilit umano ng mga suspek ang kanyang anak na manigarilyo at nang tumanggi ito, pinagsusuntok, sinipa at ilang beses na pinalo ang ulo sa pader.

Isa sa mga suspek ay sinasabing naglabas pa ng patalim at tinakot na sasaksakin ang biktima, ayon kay PRO9 Director Brigadier General Roel C. Rodolfo.

Dahil sa tindi ng tinamong mga sugat, agad dinala ang biktima sa isang ospital sa Isabela City at kalauna’y inilipat sa Zamboanga City para sa karagdagang medikal na atensyon.

Dahil sa pagbabantay sa kanyang anak sa ospital, hindi kaagad nakuha ng ama ang kinakailangang medico-legal certificate. Naihain ang pormal na reklamo noong Hulyo 4.

Samantala, noong Hunyo 30 ay pormal ding nagpadala ng liham ang paaralan sa ICPS upang iulat ang parehong insidente bilang kaso ng physical bullying, na siyang nagpatunay na ang kumalat na video ay kuha ng naturang insidente noong Hunyo 25.

Bilang tugon, agad nagsagawa ng ocular inspection ang ICPS sa lugar ng insidente at nakipag-ugnayan sa guidance office ng paaralan.

Inabisuhan ang mga magulang o tagapangalaga ng biktima at mga sangkot na estudyante para sa isang case conference alinsunod sa Child Protection Policy ng Department of Education (DepEd).

Lumabas din sa imbestigasyon na may naunang behavioral records ang dalawang sangkot na estudyante at hindi na umuwi matapos ang insidente.

Sa tulong ng koordinasyon sa iba’t ibang ahensya, natunton ang mga menor de edad at sila’y isinailalim na sa kustodiya ng Children in Conflict with the Law (CICL) Center alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act.

Nakipagtulungan ang ICPS sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at sa paaralan upang magbigay ng counseling services sa biktima at magsagawa ng intervention programs para sa mga sangkot na estudyante.

Inirekomenda rin ang case conference na dinaluhan ng mga magulang, guidance counselors at homeroom advisers upang matiyak ang legal at psychosocial support para sa lahat ng apektado.

Binigyang-diin ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III ang matibay na paninindigan ng PNP sa pagbibigay-proteksyon sa mga kabataan at ang kahalagahan ng pagtutulungan upang matigil ang bullying sa mga paaralan.

“Ang kaligtasan at kapakanan ng bawat bata ang isa sa pangunahing tungkulin ng Philippine National Police. Hindi natin kinukunsinti ang anumang uri ng pananakit o pang-aabuso—lalo na sa loob ng paaralan, kung saan dapat ay ligtas ang ating mga anak. Ang bullying ay hindi lamang isyu ng paaralan kundi responsibilidad nating lahat,” sinabi ni Torre.

“Pinasasalamatan namin ang publiko na nagbahagi ng video na naging daan upang kami ay agad na makakilos. Patuloy ang PNP sa pagtupad sa tungkulin nitong magprotekta, mamagitan, at magbigay-edukasyon—upang walang batang mananatiling tahimik sa kabila ng pananakit,” dagdag pa niya.

Kasalukuyang kinukumpleto ng ICPS ang mga dokumento para sa pagsasampa ng nararapat na kaso. Isinagawa na rin ang final site inspection sa presensya ng nagrereklamo, mga opisyal ng barangay, at kinatawan mula sa City Social Welfare and Development Office bilang bahagi ng imbestigasyon, ayon kay Rodolfo.

Patuloy ding nananawagan ang PNP sa mga magulang, guro at miyembro ng komunidad na magkaisa upang lumikha ng isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran para sa lahat ng kabataan.