Bulaklak Source: File photo

May negosyo ng bulaklak huli sa P20.4M shabu

Alfred Dalizon Jul 6, 2025
429 Views

DINAKIP ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang babaeng flower shop trader sa Talisay City, Cebu sa aktong nagbebenta ng ilegal na droga na umaabot sa P20.4 milyon sa isang undercover agent noong Sabado.

Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, nakumpiska ang halos tatlong kilo ng shabu na may halagang P20.4 milyon sa akusado sa isinagawang buy-bust sa R. Rabaya St., Brgy. Cansojong, Talisay City dakong alas-2:55 ng hapon.

Isinagawa ng mga ahente ng PDEA Regional Office 7, sa tulong ng PNP Drug Enforcement Group 7 at Naval Forces Central, ang operasyon na nagresulta sa pagkakahuli sa suspek na si alyas Ann, 36, may-ari ng flower shop sa naturang lugar.

Nasa kustodiya ng PDEA Region 7 ang suspek habang ang mga nakuhang droga ay dinala sa PDEA Regional Laboratory para suriin.

Nahaharap sa mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng bawal na gamot sa ilalim ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek.