Calendar
Ang sinunog at pinagbabaril na kotse habang nakaparada sa Santiago St., R. Papa, Tondo, Manila.
Kotse sinilaban, pinagbabaril sa Tondo; 2 pang sasakyan nadamay
SINUNOG at pinagbabaril ang kotse ng mga hindi nakilalang salarin at nadamay ang dalawa pang sasakyan sa G. Santiago St. malapit sa panulukan ng R. Papa St. sa Tondo, Manila noong Lunes.
Wala pang lead ang mga pulis kaya nag-iimbestiga ang mga operatiba ng Scene Of Crime Operatives ng Manila Police District kaugnay sa pagsunog at walang habas na pamamaril sa nakaparadang kotse.
Basag ang mga salamin, binuhusan ng gasolina ang driver side at pinaputukan pa ang isang nakaparadang Honda City, base sa report.
Ayon naman sa mga kuha ng CCTV, 2 motorsiklo at may angkas ang nakunang paikut-ikot sa lugar bago ang insidente sa nasabing lugar.
Ayon kay Chairman Aladin Cuevas ng Brgy. 189, bandang alas-4:20 ng umaga nang mamataan ng mga barangay tanod ang dalawang motorsiklo habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan.
Nakarinig sila ng sunud-sunod na putok at nakita na nasusunog na ang sasakyan.

