Isko

Yorme Isko: Promosyon base sa merito hindi sa palakasan

Edd Reyes Jul 7, 2025
399 Views

NANGAKO si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na ibabalik niya ang promosyon ng mga kawani batay sa merito at hindi sa palakasan.

“Ayaw kong mapo-promote ‘yung tagadala lang ng bag ni Ma’am o ni Direktor.” pahayag ng alkalde.

Sa kanyang talumpati sa unang pagdalo sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas tuwing Lunes mula ng maluklok bilang alkalde, sinabi ni Yorme Isko na ipaiiral niya ang patas at propesyonalismo sa promosyon at pagtanggap ng mga bagong kawani na ibabatay sa kanilang merito.

“Huwag na kayo kabahan kung hindi kayo malapit sa akin tapos hindi kayo mapo-promote. Hindi. Mag-apply kayo ng promotion niyo based on merit, time, and service dito sa lungsod,” sabi ng alkalde.

Batid aniya niya ang hinagpis at hinanakit ng mga kuwalipikado at propesyonal na kawani na naisasantabi lang ang promosyon dahil inuna ang mga rekomendado ng mga pulitiko.

“Noong araw, 98% ng na-promote, hindi ko kilala. Hindi ko nakita. Ganun dapat,” sabi niya.

Binalaan din ni Yorme sa kanyang talumpati ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na ituon sa pagsasaayos ng trapiko at pagtulong sa motorista ang kanilang trabaho sa halip na maghanap ng lumalabag sa trapiko.

“Sa MTPB—nako, magtino kayo. Siguro naman narinig na ng Director ninyo na si Dennis Viaje—ang traffic enforcement is traffic assistance. Hindi violation lagi ang hinahanap natin,” pahayag ng alkalde.

Sa pagtugon naman sa basura, iniulat ni Yorme Isko na naresolba na nila ng 80 hanggang 85-porsiyento ang nagtambak na basura, isang linggo mula nang maupo siya bilang alkalde.

Pinasalamatan din niya ang mga kawani ng Department of Public Services, City Engineering, MDRRMO, at MTPB na tumulong na maresolba ang krisis sa basura.