Calendar
RIT nang-agaw ng CP, motorsiklo sumemplang, bagsak sa kulungan
NAHULI ang dalawang snatcher na nanghablot sa cellphone ng babaeng kanilang biktima nang sumemplang sa sinasakyang motorsiklo noong Sabado sa Caloocan City.
Sa ulat ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Arnold Abad, nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa East Grace Park nang marinig ang paghingi ng tulong ng 23-anyos na biktima na nahablutan ng cellphone ng riding-in-tandem alas-11:30 ng umaga.
Hinabol ng mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 2 ang mga suspek na sa pagmamadaling tumakas ay nasagi ang isang sasakyan sa 9thAvenue, 2nd St., Brgy. 106 kaya sumemplang at nadakip.
Nabawi ng mga pulis sa dalawang suspek, na may edad na 32 at 23, ang cellphone na hinablot sa biktima na nagkakahalaga ng P7,000 at kinumpiska rin ang motorsiklo nila na ginamit sa krimen.
Nakatakdang iprisinta ng mga pulis sa piskalya ng Caloocan City ang dalawa para sa kakaharapin nilang kasong robbery, snatching.

