Isko1

Yorme Isko nilagdaan general tax amnesty

Edd Reyes Jul 8, 2025
429 Views

HINIMOK ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga delingkuwenteng taxpayers na magbayad ng utang nila sa buwis hangga’t walang ipapataw na multa at dagdag na bayad ang lokal na pamahalaan.

Ito’y makaraang lagdaan ng alkalde ang Ordinance No. 918 na magkakaloob ng amnestiya sa lahat ng bayaring buwis sa buong Maynila kabilang ang business taxes, real property tax, ordinance violation receipts (OVRs), regulatory at service fees, at local transfer taxes.

“Despite this situation, everyone in this city, gusto namin iparamdam sa inyo na ang gobyerno ng Lungsod ng Maynila ay nakapagpagaan ng katayuan sa hirap na kinakaharap ng marami nating kababayan na nagbabayad ng buwis,” pahayag ni Yorme Isko.

“Una sa mahinang negosyo, pangalawa sa hirap ng buhay dahil ang ekonomiya’y may mabigat na hamon sa lahat dahil sa nangyayari sa mundo. Mas minabuti naming unawain ang mamamayan at bigyan ng tamang pansin ang hirap na kinakaharap ng ating nasasakupan,” sabi pa niya.

Nakapaloob din sa naturang ordinansa na papayagang matasa o ma-assess ang real property taxes, gamit ang kasalukuyang market values, habang papayagan din na hulugan nila ang utang sa City Treasurer’s Office.

Bilang karagdagan sa pagpapaluwag ng buwis, nakapaloob din sa ordinansa ang panuntunan mula sa Department of Finance at Bureau of Local Government Finance upang maipatupad ang probisyon ng amnestiya sa ilalim ng R.A. No. 12001, o ang Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA).

Bagama’t malinaw sa ilalim ng ordinansa na wala ng sisingiling multa, dagdag na bayad, at inters sa hindi nabayarang buwis, sa oras na mapaso na ito ay ipagpapatuloy na ng City Treasurer na isubasta ang hindi nabayarang lupain.

Upang matiyak namang makikinabang ang mga matatagal ng naninirahan sa lungsod at hindi makabangong mga negosyo, lahat ng bayarin nila sa buwis ay mabibigyan ng amnestiya hanggang sa pinakamatagal na nilang hindi nababayarang buwis.

Isinagawa nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza ang pagpapasa ng naturang ordinansa upang makalikom ng pondo ang lokal na pamahalaan na bukod sa iniwang bangkarote ng nakaraang administrasyon ay baon pa sa utang.