Donation1

Maynila inulan ng donasyon ng medical supplies

Edd Reyes Jul 8, 2025
326 Views

BUMUHOS ang donasyon ng iba’t-ibang uri ng medical supplies sa Manila City Hall makaraang ibulgar ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na wala siyang inabutang anumang gamot at gamit na pang-medikal sa mga binisitang pampublikong ospital at mga health center sa lungsod.

Mahigit sa 120,000 mga assorted medical supplies ang tinanggap na donasyon ni Mayor Isko Martes ng umaga na nagkakahalaga ng P5.2 milyon na makakatulong ng malaki sa dinaranas na krisis sa pananalapi at kinakaharap na public health emergency.

Ayon sa alkalde, ang donasyon ay nagmula kina Efren M. Alvez at Shelley B. Alvez ng Alvez Commercial Inc. na kinabibilangan ng mahigit 120,000 piraso ng assorted medical supplies tulad ng examination gloves, surgical tape

“May bisa pala ang transparency. Maraming salamat, malaking bagay po ito,” pahayag ni Yorme Isko matapos na ihayag sa kanyang unang pagdalo sa pagpupugay sa watawat na wala siyang dinatnan gamot at kahit karayom man lang sa mga pampublikong pagamutan at health centers.

“Ang inabutan ko lang gamot sa mga ospital na pinuntahan ko ay “Togmolodon”, “Yakapsul” at “Kispirin,” ang sarkastiko at pabirong pahayag ng alkalde.

Kabilang naman sa mga tinanggap na donasyon ng lokal na pamahalaan ang 1,310 kahon ng small examination gloves, 2,240 kahon na medium at 2,980 kahon na large; 99,600 na pares ng latex sterile gloves (sizes 6.0 and 7.0); 588 kahon ng hypoallergenic surgical tape; at 53,900 piraso ng IV cannulas na magkakaiba ang gauges.

Kasama ni Yorme Isko sa pagtanggap ng donasyong medical supplies sina OIC-City Treasurer Atty. Paul Vega at OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla na ipamamahagi sa anim na pampublikong pagamutan at mahigit 41 public heath centers.