Penones1

Krimen sa CL bumaba sa unang 15 araw ng pamumuno ni Peñones

Alfred Dalizon Jul 9, 2025
424 Views

SANHI ng mas pinatinding operasyon ng pulisya, bumaba ang bilang ng mga krimen sa Central Luzon sa unang 15 araw ng pamumuno ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director, Brigadier General Ponce Rogelio I. Peñones, ayon sa ulat ng Journal Group nitong Martes.

Si Brig. Gen. Peñones, miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Sandiwa” Class of 1995, ay nagtala ng malaking pagbabago sa unang dalawang linggo ng kanyang panunungkulan bilang PRO3 director, kung saan nabawasan ng 40 kaso ng krimen sa rehiyon mula Hunyo 20 hanggang Hulyo 1 ngayong taon, kumpara sa parehong panahon noong 2024.

Sa pagtutok sa mabilis na pagresponde at epektibong pagpapatupad ng batas, 18 lamang na focused crimes ang naitala sa panahon ng nasabing petsa. Tumaas din ang crime solution efficiency ng halos 2 porsyento, na nagpapakita ng mas pinahusay na aksyon at disiplina sa operasyon ng PRO3.

“Ang patuloy na pagbaba ng antas ng krimen ay bunga ng dedikasyon ng buong puwersa ng pulisya sa pagtupad sa unang haligi ng pamumuno ni PNP Chief General Nicolas D. Torre III—ang mabilis at epektibong serbisyo sa publiko,” pahayag ni Brig. Gen. Peñones.

Sa parehong panahon, 305 wanted persons ang naaresto sa rehiyon — 149 dito ay Most Wanted habang 156 ay Other Wanted Persons, kasabay ng pinaigting na kampanya laban sa mga lumalabag sa batas.

Kasabay nito, lumawak din ang kampanya kontra ilegal na baril, kung saan 25 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkaaresto ng 24 katao at pagkakumpiska ng 55 iba’t ibang uri ng maiikling baril.

Ayon kay Brig. Gen. Peñones, inatasan niya ang kanyang hanay na magsagawa ng all-out campaign laban sa mga loose firearms sa Central Luzon, upang maiwasan itong magamit sa mga marahas na krimen sa lansangan.

Ang mga naarestong suspek ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act of 2013.

Sa kabilang banda, matagumpay rin ang pinaigting na kampanya ng PRO3 kontra ilegal na droga. Umabot sa 259 anti-drug operations ang isinagawa na nagresulta sa pagkaaresto ng 407 suspek at pagkakakumpiska ng P15,994,625.30 halaga ng ilegal na droga. Kabilang dito ang 1,845.17 gramo ng shabu at 17,999.74 gramo ng marijuana.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa iba’t ibang PRO3 detention facilities at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Ang mga tagumpay na ito ay bunga ng walang sawang dedikasyon ng ating mga pulis sa lahat ng panig ng Central Luzon,” ani Brig. Gen. Peñones.

“Ginagabayan kami ng Tatlong Haligi ng Pamumuno ng ating Chief PNP — mabilis at epektibong serbisyo publiko, pagkakaisa at mataas na morale ng hanay, at pananagutan sa pamamagitan ng modernisasyon. Ito ang inspirasyon sa likod ng aming tapat at mahusay na serbisyo,” dagdag niya.

“Habang nagpapatuloy ang aming mga operasyon, nananawagan kami sa mga komunidad na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Sa pagtutulungan, masisiguro natin ang mas ligtas at mas payapang Central Luzon,” pagtatapos ng opisyal.