Lunod

Estudyante, 16, tumalon sa ilog dahil sa depresyon, nasagip

Edd Reyes Jul 13, 2025
373 Views

Lunod1SINAGIP ng pulisya sa tiyak na kamatayan ang 16-anyos na binatilyong estudyante matapos tumalon sa malalim na bahagi ng Tullahan River sa Brgy. Gen. T. De Leon sa Valenzuela City.

Hindi nag-aksaya ng oras si P/SSgt. Alvaro Vargas Jr. na nakatalaga sa Patrol Base (PB)-2 ng Valenzuela Police at kaagad tumalon sa ilog upang sagipin ang binatilyo na tinatangay na ng malakas na agos pasado alas-4 ng hapon.

Sa tulong ng kanyang kasamang si Pat. Crizald Kevin Flores, nai-ahon nila ang estudyanteng si alyas “Migs” at dinala sa kanilang tanggapan sa PB-2 upang papaliguin at bigyan ng pampalit na damit bago pinakain.

Batay sa ulat ni PB-2 Commander P/Capt. Anthony Campado kay Valenzuela Police Chief P/Col. Gerson Bisayas, dumaranas umano ng matinding depresyon ang binatilyo bunga ng personal na suliranin, na dahilan para tumalon sa ilog.

Dahil dito, nagpasiya silang sunduin ang ama ng binatilyo sa kanilang tirahan sa may Sta. Quiteria, Caloocan City.

Nagpasalamat ang ama ni Migs sa mga pulis sa mabilis na pagresponde na inabot lamang ng dalawang minuto matapos matanggap ang tawag dakong alas-4:59 ng hapon.

Sinabi ni Bisayas na matapos na maisaayos at kausapin ng mga pulis si Migs, dinala na siya sa Barangay Council for the Protection of Children, kasama ang ama, upang maisailalim sa counseling at iba pang pangangailangan ng binatilyo.