Calendar
Senado inaasahang magiging patas sa impeach trial vs VP Sara
Mariing ipinahayag ni Senador Raffy Tulfo ang kanyang pagtutol sa anumang planong ibasura ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte nang walang pagdinig.
Ayon sa kanya, mahalaga ang isang patas at bukas na paglilitis upang mabigyan si Duterte ng pagkakataong linisin ang kanyang pangalan.
Sa isang press conference noong Hulyo 15, binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan ng due process at public accountability. “Gusto ko magkaroon ng trial para magkaroon si VP Sara ng pagkakataon, madepensahan niyang sarili niya,” aniya, sabay giit na hindi makatutulong sa katotohanan kung agad na ibabasura ang reklamo.
Ipinaliwanag ni Tulfo na ang kanyang suporta sa pag-usad ng impeachment ay hindi dahil sa paniniwalang may sala ang Bise Presidente, kundi upang bigyang-daan ang legal na proseso.
“Mas maganda di ba maklear niya ang name niya sa pamagitan ng pagdidepensya niya sa impeachment at mapapatunayan na inosente siya,” dagdag pa niya.
Bilang tugon sa pagdududa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ukol sa hurisdiksyon ng 20th Congress, iginiit ni Tulfo na malinaw ang kapangyarihan ng Kongreso sa kasong ito.
“May jurisdiction. Di na dapat pag-uusapan yan. Dapat magkaroon talaga ng hearing sa impeachment,” aniya.
Aminado si Tulfo na ito ang unang pagkakataon na sasabak siya bilang senador-hukom sa isang impeachment trial, kaya’t puspusan ang kanyang paghahanda.
“This is my first time na maka-attend o maging senator judge sa isang impeachment hearing. So dapat I should be prepared,” saad niya. Kinumpirma niyang nakikipag-ugnayan siya sa mga legal adviser at dating mahistrado mula sa Sandiganbayan at Korte Suprema.
Samantala, may mga haka-haka na posibleng humiling ang kampo ng depensa ng agarang dismissal sa pagbubukas muli ng Kongreso. Ngunit para kay Tulfo, hindi ito makatarungan. “Kung madismiss lang, so paano ang mga allegations against her?” tanong niya. “Paano niya masasabi sa taong bayan na inosente siya… kung hindi tayo magkaroon ng trial?”
Sa huli, binigyang-diin ni Tulfo na hindi siya pumapanig kaninuman. Aniya, ang mahalaga ay ang pagbibigay ng pagkakataon para sa malinaw na pagdinig, kung saan maihahayag ang katotohanan batay sa ebidensya. Umaasa siyang ang Senado, bilang impeachment court, ay makakapaglabas ng patas na desisyon.

