Ortega1 La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V Kuha ni VER NOVENO

Pagtaas ng public trust ng Kamara dahil sa blockbuster hearings ng 19th Congress — Young Guns

296 Views

NANINIWALA sina La Union Rep. Paolo Ortega V at Zambales Rep. Jay Khonghun, kapwa miyembro ng Young Guns, na ang mga blockbuster na pagdinig noong 19th Congress — lalo na ang mga isinagawa ng Quad Committee — ang dahilan ng pagtaas ng tiwala ng publiko sa Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), naitala ng Kamara ang pinakamataas nitong trust rating sa kasaysayan noong Hunyo 2025, ang huling buwan ng 19th Congress.

“This is what good governance looks like. Under Speaker Romualdez, we confronted the toughest issues head-on, in full public view, and without fear nor favor. The people rewarded us with trust because they saw integrity and action, not politics and excuses,” ani Ortega.

Ayon kay Khonghun, mas naipakita sa publiko ang trabaho ng Kamara dahil sa mga pagdinig na umani ng milyun-milyong online views.

“Blockbuster ang mga hearing ng 19th Congress. Hindi lang ito usapin sa balita, milyun-milyon ang nanood sa YouTube. The Quad Comm investigations showed people that Congress was serious, fearless and committed to truth,” dagdag pa ni Khonghun.

Ayon sa SWS, tumaas ang tiwala ng publiko sa Kamara mula 34% noong Abril, naging 49% noong Mayo, at umabot sa 57% noong Hunyo.

Patuloy ding tumaas ang tiwala ng publiko kay Speaker Romualdez—mula 23% noong Abril ay naging 26% sa Mayo, at umakyat sa 34% pagsapit ng Hunyo.

Inimbestigahan ng Quad Committee ang ugnayan ng mga ilegal na POGO, sindikato ng droga, at extrajudicial killings sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Umani ito ng interes ng publiko sa mga pagdinig, na naging sentro ng pambansang talakayan.

Ang Committee on Good Government and Public Accountability, o House Blue Ribbon Committee, ang nag-imbestiga sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Office of the Vice President, na naging basehan ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

“The public saw that we were willing to ask hard questions and hold even the highest officials accountable. That is the essence of a functioning democracy,” ayon naman kay Ortega.

Ibinida rin niya ang naging papel ng Tri-Comm sa paglaban sa disinformation, kung saan ibinunyag ang mga organisadong operasyon ng pekeng balita sa online platforms. Pinuri rin niya ang Quinta Comm, o Murang Pagkain Supercommittee, sa matagumpay nitong hakbang para mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, lalo na ang bigas.

“These committees tackled real problems and offered real solutions. That’s why public trust in the House grew, because we didn’t just talk, we delivered,” dagdag pa ng mambabatas.

Para naman kay Khonghun, naging bukas at tapat ang Kamara sa pagharap sa mga isyu, kaya naman lalo pang lumakas ang tiwala ng publiko.

“Hindi kami umatras sa kontrobersya. Hindi kami nagpanggap na wala kaming nakikita. We faced the issues and let the truth speak. That’s why the people listened and trusted,” ayon sa kongresista.

Pinuri rin nila si Speaker Romualdez sa kanyang malinaw, matatag, at maayos na pamumuno sa buong 19th Congress.

“Speaker Romualdez guided the House with clarity, fairness and purpose. That’s the kind of leadership that inspires trust,” ayon kay Ortega.

Kapwa tiniyak ng dalawang mambabatas na itutuloy at palalawakin pa ang mga nasimulang gawain sa 20th Congress.

“This trust is not just a reward. It’s a responsibility. We will work even harder to protect it,” dagdag pa ni Khonghun.