Free

Davao City may libreng sakay na

Jun I Legaspi Jul 24, 2025
497 Views

INILUNSAD ng Department of Transportation (DOTr) ang Libreng Sakay program sa Mindanao para sa mga bus na bumibiyahe sa Lasang to Roxas via Sasa route sa Davao City.

Ito’y bilang tugon ng DOTr, katuwang ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa utos ng Pangulo na ibsan ang pang araw-araw na kalbaryo ng mga komyuter sa biyahe at pamasahe.

“We really need to help our kababayans, especially our commuters. The President instructed DOTr to find ways to provide some assistance to our commuters, especially students and senior citizens all over the country,” sabi ni DOTr Sec. Vince Dizon.

“Malaking bagay ‘yan kasi from Lasang to Downtown, P100 roundtrip. Kaya P500 every week ang matitipid ng anim na libong pasaherong sumasakay sa rutang ito araw-araw,” sabi ng kalihim.

Pinag-aaralan na rin ng DOTr at LTFRB ang pagdadagdag ng mga bus sa naturang ruta at pagdadagdag ng iba pang mga rutang may libreng sakay tulad ng Cabaguio.

Aabot sa P70 milyong piso kada taon ang inilaang budget para sa libreng sakay na tatakbo mula 6:00 ng umaga hanggang alas-9:00 AM at alas-5:00 hanggang alas-8:00 ng gabi araw-araw kahit weekend at holiday.

Magpapatuloy ang libreng sakay hanggang sa 2028.

Noong July 23, inanunsyo din ng DOTr ang libreng sakay sa mga biyaheng Urgello-Parkmall sa Cebu.