Nalunod

Nurse nalunod habang sinasagip lalaking binaha

Steve A. Gosuico Jul 26, 2025
334 Views

SAN JOSE CITY–Patay ang lalaking nurse na miyembro ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO)-Rescue 3121 sa lungsod na ito nang malunod sa search and rescue operations noong Huwebes.

Dating job order worker sa Bureau of Fire Protection-San Jose City ang biktimang si Alvin Velasco, 55, na naging regular na empleyado ng LDRRMO noong 2019.

Ayon sa mga ulat, nakatanggap ng distress call ang LDRRMO hotline tungkol sa isang lalaki na kailangang iligtas sa isang ilog sa Brgy. Parang Mangga dakong alas-9:30 ng umaga.

Sa kasamaang palad, nalunod si Velasco, na kabilang sa mga unang rumesponde sa nasabing rescue operation, matapos tangayin ng malakas na agos sa ilog.

Bumuhos sa social media ang mga mensahe ng pakikiramay at pagpupugay para kay Velasco. Tinawag siyang “tapat na lingkod bayan at tunay na bayani.”

Ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija, sa pangunguna ni Gov. Aurelio Umali, tinawag si Velasco na “fallen hero, a dedicated rescuer who paid the ultimate sacrifice in the line of duty.”

“Ang kanyang katapangan, pagiging hindi makasarili, at kanyang hindi natitinag na pangako sa pagliligtas ng mga buhay ay sumasalamin sa pinakamahusay na serbisyo publiko.

Namatay siya at nabuhay – na naglilingkod sa iba nang may karangalan at malasakit,” sabi ng gobernador.