Laguna

State of calamity idineklara sa Laguna

Gil Aman Jul 26, 2025
623 Views

STA. CRUZ, Laguna–Isinailalim sa state of calamity ang buong Laguna dahil sa matinding epekto ng tatlong nagdaang bagyo na nagdulot ng pinsala sa iba’t-ibang sektor, ayon kay Gov. Sol Aragones noong Biyernes.

Sinabi ng gobernadora na malawak ang epekto ng kalamidad, partikular sa sektor ng agrikultura at livestock at malaking halaga ng kabuhayan ang naapektuhan.

Umabot sa mahigit 30,000 evacuees ang nanunuluyan ngayon sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay magbibigay-daan sa mas mabilis na paglalabas ng pondo at pagsasagawa ng mga hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga naapektuhang residente at muling maisaayos ang mga serbisyo.

Ang deklarasyong ito ay hakbang upang mapabilis ang relief operations at rehabilitasyon sa mga komunidad at maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

Kasabay ng anunsyo, suspendido na rin ang klase sa lahat ng antas sa buong lalawigan noong Hulyo 26 bilang bahagi ng pag-iingat at upang bigyang daan ang tuloy-tuloy na relief and rescue operations sa mga apektadong lugar.

Tiniyak din ng pamahalaang panlalawigan na patuloy ang operasyon ng mga health workers at iba pang frontline personnel para magsagawa ng mga serbisyong medikal, emergency response at iba pang pangunahing serbisyo.

Patuloy rin ang koordinasyon ng pamahalaang panlalawigan sa mga lokal na pamahalaan, DSWD at iba pang ahensya ng gobyerno upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong at suporta sa mga nangangailangan.