Gov. Joet Garcia

Typhoon victims tinulungan sa Bataan

Christian Supnad Jul 28, 2025
266 Views

VictimsBATAAN–Namigay ng relief goods sina Gov. Joet Garcia at Department of Social Welfare and Development (DSWD) personnel matapos bumisita noong Huwebes sa mga naapektuhan ng pagbaha sa Orion at Abucay.

Ang pagbisitang personal ni Gov Garcia sa mga naturang bayan ay upang alamin ang kalagayan ng kanyang mga kababayang naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat.

“Layunin ng pagbisitang ito na matukoy ang kanilang agarang pangangailangan at masiguro na naipaaabot sa kanila ang nararapat na tulong mula sa pamahalaan,” ani Garcia.

Kasama rin sa pagbisita ang mga kinatawan mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan ng Orion at Abucay.

Naipamahagi nila ang mga relief goods at iba pang ayuda mula sa DSWD.

Tinanggap din nina Mayor Ann Inton sa evacuation center ang 500 relief goods, palanggana at iba pang kagamitan mula kay Sen. Bong Go para sa mga kababayang nasalanta ng bagyo at habagat.

Kasama rin sa pamamahagi ng relief goods sina Konsehal Lou Narciso, Jinkee Alonzo, Floyd Tungol, Boyet Yandoc at Gelly Santos.

“Ang ganitong pagkilos ay patunay ng pagtutulungan at malasakit ng iba’t- ibang ahensya ng pamahalaan para sa kapakanan ng ating mga kababayan,” dagdag pa ng gobernador.