Arestado

2 menor de edad na nagsayaw ng hubad habang nagmomotorsiklo sa Zambo naaresto

Alfred Dalizon Aug 4, 2025
389 Views

Arestado1NAARESTO ng lokal na pulisya ang dalawang menor de edad na nag-viral sa social media matapos mag-motor habang hubad at sumasayaw sa lansangan ng Zamboanga City, ayon sa ulat ng Police Regional Office 9 (PRO9) nitong Linggo.

Ayon kay PRO9 Director Brigadier General Eleazar P. Matta, iniimbestigahan na ang dalawang menor de edad dahil sa reckless driving at hindi angkop na asal habang gumagawa ng mapanganib na stunt sa Governor Camins Avenue, gaya ng nakita sa kumalat na video.

Natukoy at nahuli ang dalawa sa tulong ng concerned citizens sa pamamagitan ng mga tauhan ng Zamboanga City Police Station 11 sa pangunguna ni Major Mohamar R. Mariwa.

Agad namang nakipag-ugnayan ang pulisya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matiyak ang tamang paghawak sa kaso ng mga menor de edad alinsunod sa batas.

Wala umanong helmet at ganap na hubad ang mga menor de edad habang gumagawa ng stunt.

Humingi rin ng tulong ang mga awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy kung sino ang rehistradong may-ari ng mga motorsiklong ginamit.

Ayon kay Mariwa, ipinatawag din ang mga magulang o tagapag-alaga ng mga menor de edad at hinihimok ang mga ito na makipagtulungan sa pagpapaayos ng asal ng kanilang mga anak.

Mahaharap ang mga menor de edad sa kasong alarm and scandal at paglabag sa mga umiiral na batas trapiko sa lungsod.

Nabatid na ang video ay kuha sa oras ng curfew para sa mga menor de edad na mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Dahil dito, nananawagan ang pamahalaang lungsod sa lahat ng mga opisyal ng barangay sa Zamboanga City na tiyaking maipatupad nang mahigpit ang ordinansa.