Calendar
Ang inarestong suspek. BERNARD GALANG
155 menor de edad nasagip mula sa American ‘pastor’ sa Pampanga
NASA 155 mga kabataan ang nasagip noong Miyerkules mula sa umano’y pang-aabuso ng isang Amerikanong ‘pastor’ sa Mexico, Pampanga.
Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Pemones Jr., kinilala ni Pampanga police director Col. Eugene M. Marcelo ang dalawa sa 155 na mga biktima na sina alyas “Just” at alyas “Gab” habang ang suspek ay kinilalang si alyas “Ferry”, 48, isang American national pastor na nagtatag ng New Life Baptist Church of Mexico, Pampanga Inc., Barangay Pandacaqui, Mexico, Pampanga.
Ipinatupad ng mga awtoridad ang cease and desist order laban sa simbahan na nagresulta sa pagliligtas sa dalawang batang lalaki at pag-aresto sa suspect.
Nang makapanayam ng mga social worker ng Maimpis City of San Fernando, Pampanga, sinabi ng dalawang biktima na dumanas sila ng pisikal na pang-aabuso, pinagkaitan ng pagkain at nakakulong sa loob ng kanilang silid.
Sa pagsisiwalat ng mga insidenteng ito sa Regional Social Welfare and Development Office (RSWDO) at Women and Children Protection Desk (WCPD), nagsagawa ng agarang aksyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Ang mga biktima ay nasa kustodiya na ngayon ng RSWDO Reception Study Center for Children- Pampanga na matatagpuan sa Barangay Prado Siongco, Lubao, Pampanga para sa pagpapayo at tulong.

