Valeriano

Ban ng online gaming sa Iligan City pinapurihan

Mar Rodriguez Aug 19, 2025
369 Views

PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” Valeriano ang naging pagkilos ni Iligan City Mayor Frederick Siao matapos nitong ipag-utos ang pagba-ban sa ano mang uri ng online gambling sa lahat ng government offices sa kanilang lalawigan.

Naglabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Iligan City sa pangunguna ni Mayor Siao upang mahigpit na ipagbawal ang paglalaro o pananaya sa online gambling partikular na para sa mga kawani ng iba’t-ibang tanggapan ng gobyerno sa kanilang lalawigan batay sa isinasaad ng Executive Order No. 95 Series of 2025.

Dahil dito, binigyang diin ng chairman ng Committee on Public Order and Safety na ang inilabas na EO No. 95 ni Mayor Siao ay nagpapatunay lamang sa lumalaking sentimyento o “clamor” ng sambayanan laban sa total ban ng online gambling kung saan napakarami na aniyang buhay ang unti-unti nitong winawasak.

Naniniwala din si Valeriano na ang determinadong aksiyon ng Local Government ng Iligan City laban sa online gambling ay nagpapakita lamang kung gaano kasidhi ang panawagan para sa tuluyang paglalansag sa online gambling na pinasimulan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla matapos din nitong ipag-utos ang pag-ban sa nasabing sugal sa lahat ng Local Government Units (LGUs).

Para naman kay Caloocan City 3rd District Representative Dean Asistio, Chairman ng House ng Committee on Metro Manila Development, hindi na dapat pang magpatumpik tumpik ang gobyerno sa pagba-ban nito sa online gambling sapagkat habang tumatagal ay mas lalo umanong lumalaki ang problema tungkol dito.

Sinabi ni Asistio na kagaya ng naging pagtrato ng pamahalaan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), hindi aniya dapat tignan ang malaking nakukuhang revenues o ganansiya mula sa online gambling.

Bagkos, ang dapat aniyang makita ay ang napakalaking perwisyo na naidudulot nito sa buhay ng mga mananaya lalo na para sa mga kabataan na sa murang edad ay lulong na umano sa sugal.