2 high value targets sa Cagayan Valley, huli

Alfred Dalizon Aug 22, 2025
221 Views

DALAWANG ‘high-value targets’ sa Cagayan Valley ang nadakip ng mga tauhan ng Police Regional Office 2 sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga sa rehiyon nitong Miyerkules, napag-alaman ng People’s Tonight.

Ayon kay PRO2 director, Brigadier General Roy B. Parena, nakuha sa dalawang akusado ang humigit-kumulang na P175,000 halaga ng shabu.

Unang naaresto sa isang buy-bust operation sa Barangay Nassiping sa Gattaran, Cagayan ang suspek na may alias na ‘Mark,’ isang 49-anyos na construction worker.

Nasamsam sa akusado ang isang pakete na naglalaman ng 25 gramo ng shabu na may halagang P170,000 at ang buy-bust money.

Ang ikalawang suspek na may alias na ‘Lester,’52, isang matadero mula sa Reina Mercedes, Isabela ay nahuli sa isang operasyon sa Purok 4, Bgy. Pallatao sa munisipalidad ng Naguilian.

Nakuha sa akusado ang halos apat na libong pisong halaga ng shabu, ang markadong pera at isang cellphone na ginamit niya sa pakikipag-usap sa poseur-buyer.

Kinumpiska din ng mga pulis ang motorsiklo ng akusado na walang plaka.

Nahaharap sa mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang ‘high-value individuals’ sa Cagayan Valley, ayon kay Brig. Gen. Parena.