Shabu Source: PDEA NIE

Guro na HVT tiklo sa Negros Occ. buy-bust, P170K shabu nasamsam

Alfred Dalizon Sep 1, 2025
284 Views

ISANG 42-anyos na guro sa Negros Occidental na tinaguriang ‘high-value target’ ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang buy-bust operation sa Binalbagan, Negros Occidental nitong Linggo.

Kinilala ang akusado sa alyas na ‘Joffel,’ isang residente ng Barangay Enclaro sa munisipalidad ng Binalbagan.

Ayon sa PDEA na pinamumunuan ni Director General, Undersecretary Isagani R. Nerez, nahuli ng mga tauhan ng PDEA Negros Island Region Office ang suspek sa isang entrapment operation sa Sitio Tap-ok Boulevard sa Bgy. Enclaro bandang 11:44 ng umaga ng Linggo.

Nasamsam mula sa akusado ang siyam na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng halos 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P170,000 at ang buy-bust money.

Ang suspek ay mahaharap sa mga kasong pag-iingat at pagbebenta ng droga sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Maari siyang makulong ng habambuhay at magmulta ng halagang P500 libo hanggang P10 milyon kung sakaling mapatunayang guilty ng hukuman.