Calendar
Meryendahan, kabuhayan package ipinagkaloob ng DOLE–Batangas
BATANGAS CITY — Emosyonal noong Martes ang 48-taong gulang na si Judith Lunario ng barangay Poblacion 4, nang matanggap ang meryendahan package na ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE)–Batangas sa ilalim ng kanilang Integrated Livelihood Program for Child Laborers.
Siya ay ina ng isa sa 20 kabataang residente mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod na natukoy ng DOLE na napilitang magtrabaho sa murang edad.
Ayon kay Lunario, matagal na nilang pangarap ang ganitong tulong upang may mapagkunan ng kabuhayan, matapos pumanaw ang kanyang asawa noong panahon ng pandemya.
Mula noon, katuwang na niya ang kanyang panganay sa paglalako ng kanyang mga lutong pagkain at sa pagtataguyod sa nakababatang kapatid nito na isang PWD.
Ayon kay DOLE Batangas Provincial Head Predelma Tan, nakabatay ang ibinibigay na livelihood assistance sa kakayahan ng bawat pamilya upang mapalago ang negosyong kanilang sisimulan.
Bukod sa meryendahan package, namahagi rin ang DOLE ng printing package, Negokart with bicycle, karinderya package, vegetable retailing, fishing tools, almusal package, at wet market package.
Hinikayat ni Tan ang mga benepisyaryo na paunlarin ang kanilang negosyo sa loob ng dalawang taon upang magkaroon ng pagkakataon na makalahok sa Kabuhayan Award at magwagi ng karagdagang puhunan.
Highly appreciated aniya ng kanilang tanggapan ang hakbang ng Batangas City government na gawing na lehitimo at rehistrado ang mga sisimulang negosyo.
Bilang dagdag na suporta, bibigyan ng DOLE ang mga benepisyaryo ng GSIS personal accident insurance sa loob ng isang taon.
Ayon kay PESO Batangas City Manager Noel Silang, katuwang nila ang DOLE sa pagtutok sa isyu ng child labor na layong mailayo ang mga bata sa lansangan at maibalik sila sa paaralan.
Nakiisa rin sa pamamahagi ng livelihood packages si Mayor Marvey Mariño, na nagpaabot ng kanyang pagbati at paghikayat sa mga benepisyaryo na pagyamanin ang ibinigay na kabuhayan.
Ibinahagi rin ng Punong lungsod ang magandang balita na higit na pabibilisin ng pamahalaang lungsod ang proseso ng pagkuha ng Mayor’s Permit.
Ang profiling ng mga benepisyaryo ay isinagawa ng Public Employment Service Office (PESO) Batangas City, na sila ring magsasagawa ng buwanang monitoring upang matiyak ang pagpapatuloy at pag-unlad ng mga naipagkaloob na kabuhayan.

