bro marianito

Makakaya mo bang magmahal ng sabay? (Mateo 6:24-33)

277 Views

“Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang Panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapa tang isa at hahamakin ang ikalwa”. (Mateo 6:24)

MAAARI ka bang magmahal sa dalawang tao ng sabay? Kaya mo ba silang mahalin ng sabay at pantay o “equal” ang inuukol mong pagmamahal para sa kanilang dalawa?
Puwede kang magmahal ng sabay sa dalawang tao, ngunit ang tanong lamang ay kung tama ba ito? Maaari mong mahalin ang dalawang tao ng magkasabay subalit hinding-hindi magiging pantay o “equal” ang pagmamahal mo para sa kanila.

Kung pagsasabayin mo ang pagmamahal mo sa dalawang tao, siguradongmagiging komplikado ang buhay mo. Dahil mahahati ang iyong oras, angiyong panahon, ang iyong atensiyon at hindi magiging pantay ang pagmamahal mo para sa kanilang dalawa.
Kapag tayo ay nagmamahal sa isang tao, ibinibigay natin ang 100% ng ating pagmamahal para sa kaniya. Nakatitiyak ba tayo na kapag tayo’y magmahal sa dalawang tao, kaya ba nating maibigay ang 100% na pagmamahal para sa kanilang dalawa?

Hindi natin maibibigay ang ating 100% para sa kanilang dalawa, sapagkatmahahati ang ating atensiyon, panahon, oras at pagmamahal para sakanilang dalawa. Papayag kaya sila na tig-50 porsiyento lamang ang iniuukol nating pagmamahal para sa kanilang dalawa?

Hinding-hindi kasi tayo makakapag-focus kung nahahati ang atingatensiyon sa dalawang minamahal. Hindi tayo magkakaroon ng konsentrasyon sa isang bagay kung nahahati ang ating panahon, oras partikular na kung nagmamahal tayo sa dalawang bagay.

Ipinapaalaala sa atin ng Panginoon na kung nais nating maging payapa ang ating buhay, dapat isa lang ang ating mamahalin dahil hindi natin kayang pagsabayin ang pagmamahal natin sa mga materyal na bagay o sa ating kayamanan at pagmamahal sa Diyos.

Mayroon ngang kasabihan na “you cannot do thing at the same time”, kaya ang paalala ng ating Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Mateo 10:7-15) na hindi tayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. (Mateo 6:24-33)
Sa ating pang-araw araw na buhay, masyado tayong nagiging abala at nauubos ang ating panahon sa mga bagay na hindi naman nakakatulong sa atin emotionally, physically at mentally. Katulad ng sobrang pagbababad natin sa ating mga gadgets at cellphone.

Minsan, mas mahaba pa ang oras na ating ginugugol sa ating mga cellphone at gadgets kaysa sa ating pamilya, napapabayaan natin ang ating trabaho, ang ating negosyo, ang pag-aaral natin at maging ating mga sarili ay hindi narin nagagawang ayusin.

Ang iba naman sa atin ay masyadong abala sa ating negosyo at trabaho kaya minsan ay nakakalimutan narin natin ang ating pamilya, mahal sa
buhay at maging ang mga tao sa ating paligid.

Hindi naman masamang maghanap buhay at magnegosyo, sa katunayan ay ikinalulugod pa nga ng Diyos na nagagamit natin ang ating mga “God given talents” para makatulong sa ating pamilya at mahal sa buhay.

Marahil ang hindi ikalulugod ng Panginoon ay kung mas pinahahalagahan pa natin ang mga bagay na ito (trabaho at negosyo) kaysa sa kaniya. Hindi naman masamang kumita ng pera, nagiging masama lamang ito kung sobra ang atensiyon na ibinibigay natin para dito.

Kaya ang paalala sa atin ng Ebanghelyo ay hindi natin kayang makapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon sapagkat minsan mas ginawa pa nating diyos ang pera kaysa sa tooong Diyos. Dahil mas naka- focus ang ating atensiyon sa mga materyal na bagay.
Itinuturo sa atin na kailangan nating gawing prayoridad ang Panginoong Diyos dahil ang mga bagay na kailangan natin dito sa ibabaw ng mundo ay ipagkakaloob niya sa atin. Hindi na natin kailangan pang magpa-alipin sa mga materyal na bagay para magkaroon.

Huwag natin kalimutan ang paalala sa atin ng Mabuting Balita, “Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo’y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kaniyang kalooban at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan”. (Mateo 6:33).

AMEN