Rep. Ramon Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III

Jolo Revilla itinulak TUPAD, Barangay Skills Registry bilang tugon sa tumataas na unemployment

416 Views

BILANG tugon sa tumataas na bilang ng mga walang trabaho, nananawagan si Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III na madaliin ang pagpasa ng dalawang mahahalagang panukala upang magkaroon ng oportunidad na magkatrabaho at matugunan ang job-matching sa bansa.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 2.27 milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong Hulyo 2025 mula sa 2.17 milyon noong Hunyo.

Ito na ang pinakamataas na antas ng unemployment mula pa noong Abril 2023, at pinakamalaking naapektuhan ang mga kabataan at mga kulang sa pormal na edukasyon.

Iniulat din ng PSA ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong aktibong lumalahok sa labor force.

“This isn’t just a labor force statistic. This is a crisis that demands real, grassroots-level solutions. We need to create jobs now, while also building systems that connect people to work opportunities in their own communities,” ani Revilla.

Upang tugunan ang panandalian at istruktural na mga ugat ng problema sa kawalan ng trabaho, ipinaabot ni Revilla ang kanyang matibay na suporta sa dalawang panukalang batas: ang pag-institutionalize ng TUPAD Program sa ilalim ng House Bill (HB) 2985, at ang paglikha ng isang Barangay Skilled Workers Registry sa ilalim ng HB 481 na inakda ni Pasig City Rep. Roman T.

Romulo, kasama ng iba pang mga panukalang batas na layong mapalawak ang job placement opportunities para sa mga Pilipino.

Sa ilalim ng HB 2985, gagawing permanente at palalawakin ang TUPAD Program―na kasalukuyang ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) bilang isang emergency employment initiative.

Ang panukala ay maglalaan ng panandaliang trabaho na may pasahod para sa mga displaced at disadvantaged workers sa pamamagitan ng mga community project gaya ng pagwawalis ng kalsada, paglilinis ng mga kanal, pagtatanim ng puno, at mga maliliit na pagkukumpuni ng pampublikong imprastraktura.

“From informal workers to displaced OFWs, this bill ensures we have a safety net that creates dignified, paid work when people need it most,” sabi ni Revilla, habang binigyang-diin na nakatuon ang panukala sa mga pinaka-vulnerable na sektor.

Samantala, ang HB 481 ay nag-uutos na bawat barangay ay dapat magkaroon ng Barangay Skilled Workers Registry―isang pampublikong database ng mga bihasang manggagawa gaya ng mga karpintero, tubero, elektrisyan at mga mananahi.

“This registry will serve as a job-matching platform at the grassroots level. Households looking for help no longer need to rely on social media posts or word of mouth. They can go straight to their barangay to find qualified, nearby skilled workers,” ayon kay Revilla.

Dagdag pa niya, ang registry ay magbibigay ng kapangyarihan sa parehong mga service provider at mga consumer sa pamamagitan ng pagpapatibay ng tiwala, traceability at accessibility.

Maaari rin umano itong maging katuwang ng mga pambansang programa sa pagsasanay at sertipikasyon ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

“Sa ganitong paraan, hindi lang tayo basta nagbibigay ng trabaho. Tinutulungan natin ang mga manggagawang Pilipino na magkaroon ng regular na hanapbuhay sa kanilang sariling komunidad,” aniya.

Bilang chairperson ng House committee on labor and employment, binigyang-diin ni Revilla ang pangangailangang madaliin ang pagpasa ng dalawang panukalang batas bilang tugon sa lumalalang datos ng kawalan ng trabaho at tumitinding socioeconomic pressure na kinakaharap ng mga karaniwang Pilipino.

“Kailangan ng solusyon na mabilis, praktikal, at abot-kamay. TUPAD and the Barangay Skilled Workers Registry are tools we can roll out now. Let’s not waste time,” sabi ni Revilla.