Yorme

‘Pag di nakapagpasweldo, you’re fired–Isko sa mga dept heads

Edd Reyes Sep 15, 2025
288 Views

NAGBANTA si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na sisibakin niya sa puwesto ang sinumang department o bureau head na hindi magpapasweldo sa mga job orders (JOs) employees ngayong Setyembre.

Ayon sa alkalde, may tatlo hanggang apat pang tanggapan na nasa accounting division pa ang mga papel ng mga JO employees na hinihintay niya para mapirmahan.

“Sabi ko, kapag hindi pa sumusweldo ang JO nitong Setyembre sa opisina ninyo, you’re fired,” sabi ng alkalde pagkatapos ng flag ceremony noong Lunes.

Binigyang-diin ng alkalde na kung ang mga department at bureau head ay hindi makakapagpakita ng malasakit sa mga empleyado, lalung wala siyang oras na magsilbi sa taumbayan.

“Eh ang lapit-lapit nga sa iyo hindi mo maasikaso, hindi mo mabigyan ng panahon, paano mo bibigyan ng panahon ang mamamayan?

So there is no reason for those department and bureau heads to have it delayed, dahil kapag lumanding sa akin ang papel ninyo, sumpain man ng langit, nakita ninyo, in the speed of light, kahit gabi na pinipirmahan ko,” giit ng alkalde.

Ang isang araw na pagka-antala aniya ng sahod ng maliit na empleyado ay tiyak na tatakbo na ang mga ito sa Bombay upang umutang kahit napakataas ng interes.

Sa kabila nito, nilinaw ng alkalde na marami ng mga JO ang nakatanggap na ng sahod bagama’t marami pa rin ang nakatengga at nabubulok na ang kanilang tseke dahil hindi ito kinukuha ng mga dating JO.

Tinutukoy ng alkalde ang napakaraming “ghost employees” noong nakaraang administrasyon na aniya ay hindi nila matukoy kung ang address ay sa North o South Cemetery na nasa boundary ng Quezon at Makati, ayon sa pagkakasunod.

Aminado ang alkalde na said na said ang pondo nang umupo siya sa puwesto bagama’t tiniyak niya na mairaraos niya ang sahod ng mga kawani dahil pinagtrabahuhan nila ito.

“Ang request ko lang sa inyo, can you just smile? Smile while serving the people,” dagdag pa niya.