Malasakit

San Antonio lilibutin ng ‘Serbisyong May Malasakit’ caravan

Steve A. Gosuico Sep 22, 2025
359 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Dadalhin sa 16 na barangay ng bayang ito ang “Serbisyong May Malasakit” caravan sa Setyembre 24 simula sa Brgy. Buliran, upang maibigay ang iba’t ibang serbisyo gaya ng libreng gupit at paglalagay ng feeding stations.

“Ilalapit natin ang libreng serbisyo ng pamahalaan bilang handog sa ating mamamayan sa bawat barangay,” pahayag ni Mayor Angelita Salonga-Esquivel sa Journal Group.

Magbibigay ito ng libreng gamot at magsasagawa ng pagbabakuna para sa mga sanggol hanggang 23 buwan; libreng lab testing para sa RBS, syphilis, HIV at hepa; libreng breast examination, cervical cancer screening at PhilHealth registration.

Inaasahan ng mayor na magtatagumpay ang “Serbisyong May Malasakit” caravan dahil sa suportang ibinigay ni Vice Mayor Arvin Salonga at ng Sangguniang Bayan.

Ayon kay Salonga-Esquivel, lalahok ang mga kinauukulang opisina sa munisipyo upang puspusang maibigay ang iba-ibang serbisyo.

Gaganapin ang caravan simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.

Pagkatapos sa Buliran, pupunta ang caravan sa susunod na barangay hanggang sa masilbihan ang lahat ng 16 na barangay.

Pangungunahan ito ng social welfare and development, rural health unit, treasurer, civil registry, business permit and licensing, local youth and development, Comelec, trade and industry at public employment.