PCG Source: PCG

3 PASAHERO AT TRIPULANTE, NAILIGTAS SA SUMADSAD NA BARKO SA REAL , QUEZON

Zaida Delos Reyes Sep 23, 2025
288 Views

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang may 63 pasahero at tripulante makaraang sumadsad ang barkong sinasakyan ng mga ito sa karagatang sakop ng Barangay Ungos, Real, Quezon.

Batay sa ulat ng PCG, dakong 10:15 ng umaga nitong Martes nang sumadsad ang MV Virgen de Peñafrancia sa mababaw na bahagi ng Port of Real.

Lulan ng barko ang 22 tripulante, 41 pasahero, at walong rolling cargo, pati na rin ang tinatayang 5,000 litro ng krudo.

Agad na rumisponde ang mga tauhan ng CGSS Real at CGS Northern Quezon sa lugar para sa assessment at rescue operation.

Dakong 11:40 ng umaga ay nailipat sa ibang barko ang mga pasahero patungong Polillo habang nanatili naman ang mga driver ng mga kargamento para bantayan ang kanilang mga sasakyan habang hinihintay ang ligtas na paghatak at pagdaong ng MV Virgen de Peñafrancia I.

Kaugnay nito, pinayuhan din ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Real ang kapitan ng barko na magsumite ng Marine Protest, at magpapadala rin ng pormal na kahilingan sa MARINA IV-A para sa pansamantalang suspensiyon ng Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng barko, habang isinasagawa ang masusing inspeksiyon upang matukoy kung ligtas pa itong gamitin sa dagat.