Italian

Dahil sa pananakit ng Pinay, Italyano inaresto

Jun I Legaspi Oct 9, 2025
238 Views

INARESTO ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Italyano sa Mandurriao, Iloilo City, noong Setyembre 30 dahil sa pananakit sa isang Filipina at pagnenegosyo nang walang kaukulang permiso.

Kinilala ang dayuhan na si Antonino Consoli, 40-anyos, na naaresto nang maabutan sa restawran na kanyang pinapatakbo sa Megaworld Boulevard.

Huling dumating si Consoli sa Pilipinas noong Enero 2023 bilang turista.

Nabigyan siya ng probationary immigrant visa sa ilalim ng Seksyon 13(a) ng Philippine Immigration Act ngunit expired na noong Agosto 2024 at walang rekord ng pag-renew.

Binigyang-diin ni FSU Chief Rendel Ryan Sy ang kahalagahan ng operasyon.

“Seryoso ang Bureau sa pagtugon sa mga reklamo at kumikilos laban sa mga dayuhang lumalabag sa ating mga batas,” sabi ni Sy.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang FSU sa pagbabantay sa mga dayuhang may kaso.

Ililipat si Consoli sa Maynila para sa booking at dokumentasyon bago dalhin sa BI warden facility.