Hapon

Dahil sa pagnanakaw, pamemeke, 6 na Japanese national huli

Jun I Legaspi Oct 9, 2025
255 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Japanese nationals noong Martes at lima sa naaresto hinihinalang kaugnay sa tinaguriang JP Dragon Gang.

Ayon kay BI Fugitive Search Unit (FSU) Chief Rendel Ryan Sy, naaresto ang mga Japanese sa Bulacan, Lucena at Candelaria, Quezon.

Naaresto sa Brgy. Sapang Palay, San Jose del Monte, Bulacan si Yukio Monde, 53.

Si Monde ay may kinahaharap na warrant of arrest mula sa Hiroshima Summary Court sa Japan para sa mga kasong pamemeke ng pribadong dokumento, paggamit ng pekeng dokumento at panloloko, alinsunod sa Japanese Penal Code. Pinaniniwalaang gumamit siya ng pekeng dokumento upang makakuha ng pera mula sa bangko.

Naaresto si Norichika Harada, 48, sa Cataña St., Brgy. Bocohan, Lucena City, Quezon na may warrant of arrest mula sa Fukuoka Summary Court para sa kasong pagnanakaw.

Ayon sa ulat, nagpanggap si Harada at ang kanyang mga kasabwat bilang mga alagad ng batas upang linlangin ang mga nakatatandang biktima na ibigay ang kanilang ATM cards at personal na impormasyon.

Kinagabihan, inaresto sa Candelaria, Quezon sina Nobuyuki Arima, 45; Yano Yuya, 32; Iwamoto Miyako, 34; at Ayumi Osawa, 33, na ayon sa report nagpapatakbo ng mga online workstation at nagpoproseso ng mga dokumentong naglalaman ng maraming numero ng telepono na pinaghihinalaang ginagamit sa mga scam.

Kinumpirma ng mga awtoridad sa Japan na ang apat ay may kinahaharap na kaso sa Fukuoka Summary Court kaugnay ng panloloko at pagnanakaw. Ayon sa ulat ng National Police Agency–Organized Crime Department ng Japan, miyembro ng isang breakaway faction ng JP Dragon syndicate ang mga naaresto.

Pinuri ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matagumpay na operasyon at muling iginiit ang matatag na paninindigan ng ahensya laban sa paggamit ng Pilipinas bilang taguan ng mga dayuhang kriminal.

“Lubos kaming nakikiisa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking hindi magiging kanlungan ng mga internasyonal na kriminal ang Pilipinas,” ani Viado.