Bebot hinarang mga parak, tiklo

230 Views

INARESTO ng mga pulis ang babae na humarang sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) kaya nakatakas ang asawa nito at kasamang holdaper sa Montalban, Rizal noong Miyerkules.

Nasa kustodiya na ng Masambong Police Station (PS 2) si alyas Maria, 32, at nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1829 (Obstruction of Justice), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Act) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon sa report, dakong alas-4:30 ng hapon binabantayan ng biktima ang kanyang King Deo Queen Grace Store sa Brgy. Katipunan nang pumasok ang mga suspek na nakilalang sina Edison at Reginald at nagdeklara ng holdap.

Kinuha ang suot na gintong kwintas at bracelet ng biktima subalit nanlaban ito kaya binaril ng isa sa mga suspek sa kanang hita bago tumakas sakay ng motorsiklo.

Sa follow-up operation ng mga operatiba ng QCPD, naramdaman ng mga suspek ang presensya ng mga pulis at tumakbo sa loob ng bahay kaya nauwi sa habulan.

Papasukin n asana ng mga pulis ang bahay nang humarang si Maria, umanoy asawa ni Edison, dahilan upang makatakas ito at ang isa pang kasama sa panghoholdap.

Narekober sa bahay ni Maria ang dalawang improvised firearms, dalawang magazine, isang grenade rifle high explosives (HE) at isang M49 A1-TRIP Flare.