Calendar
EMPO Challenge ’25 napanalunan ng MPD
TINANGHAL na kampeon ang Manila Police District (MPD) sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO) Challenge 2024 ng Philippine National Police (PNP) na nilahukan ng limang distrito ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Tinalo ng MPD ang Quezon City Police District, Eastern Police District, Southern Police District at Northern Police District sa naturang challenge.
Layunin ng EMPO Challenge na sanayin ang mga pulis na mabilis na tumugon sa Unified 911 emergency calls gamit ang iba’t-ibang paraan ng komunikasyon at drones, pati na rin ang tamang paraan ng kanilang pagkilos sa bawat partikular na sitwasyon o emergency.
Sinubok sa pagsasanay ang kakayahan ng mga kalahok sa paggamit ng iba’t ibang kagamitan para sa maayos na koordinasyon sa operasyon, lalo na sa intelligence, patrol, command and control at pamamahala sa sakuna.
Binigyan ang bawat distrito ng hamon na tumugon sa isang pekeng bagahe na naiwan sa isang lugar, upang masubukan ang kanilang galing sa komunikasyon at kakayahang mamuno at magdesisyon sa gitna ng mahirap na sitwasyon.
Sinuri rin dito ang kakayahan ng mga commanders sa paggamit ng makabagong teknolohiya para sa mas epektibong ugnayan ng command centers at field units.
“Hindi ito tungkol sa kung sino ang mas mabilis makarating sa lugar ng insidente. Ang mahalaga sa EMPO ay kung paano ka kumikilos pagdating mo sa lugar, kung paano mo sinusuri ang sitwasyon, pinaplano, at tinitiyak na tama ang aksyon para protektahan ang buhay at ipatupad ang batas,” ayon kay acting PNP chief Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Binigyang-diin ni PNP Spokesperson at Chief ng Public Information Office, Brigadier Gen. Randulf T. Tuaño, na ang mga ganitong pagsasanay ay nagpapatibay sa modernisasyon ng kapulisan at sa kanilang kakayahang tumugon sa mga hamon ng serbisyo.
“Hindi lamang ito simpleng kumpetisyon, kundi isang pagsasanay para sa mas makabagong kapulisan,. Hinuhubog nito ang ating mga pulis na maging alerto, matalino sa pagpapasya, at may malasakit sa paglilingkod,” dagdag ng opisyal.
