Gulong tumalsik; vendor sapol, utas

Edd Reyes Oct 12, 2025
320 Views

TODAS ang tindero ng mais nang masapol ng kumalas na gulong ng rumaragasang trailer truck sa EDSA noong Linggo sa Pasay City.

Namatay sa Pasay City General Hospital si alyas Escote sanhi ng matinding pinsala sa ulo’t katawan habang naaresto ang driver ng trailer truck na si alyas Ronnie, 48, ng Tuy, Batangas.

Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, tinatahak ng truck ang southbound lane ng EDSA dakong alas-6:10 ng umaga nang kumalas ang unahang gulong sa kanang bahagi pagsapit ng Tramo St.

Nagkataong tinutulak naman ng biktima ang karitong ginagamit sa pagtitinda ng mais sa gilid ng EDSA kaya’t nasapol siya ng tumilapong gulong pati ang hulihang bahagi ng nakaparadang mobile patrol ng pulisya sa harapan ng Kabayan Hotel.

Kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang isasampang kaso ng pulisya laban sa driver ng trailer truck sa Pasay City Prosecutor’s Office.