Yorme

Mayor Isko: Quake drill kailangan natin

Edd Reyes Oct 13, 2025
322 Views

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang lahat ng mga hepe ng mga departamento at kawanihan ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng earthquake drill simula Oktubre 13.

Ang direktiba ay ginawa ng alkalde bilang paghahanda sa posibleng malakas na lindol sa Metro Manila.

Nilinaw ng alkalde na hindi sabay-sabay na isasagawa ang simulation exercise kundi kada departamento upang hindi maantala ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga nagtutungo sa gusali ng Manila City Hall at makapaghanda na rin ang mga kawani kung sakali at dumating ang sinasabing “The Big One.”

Sinabi ni Yorme Isko na alam na rin ng mga opisyal at kawani ang pagsasagawa ng pagsasanay bagama’t wala namang masama kung paulit-ulit itong gagawin upang hindi malimutan at maging ugali na sa oras ng panganib.

Ayon pa sa alkalde, handa ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa mga nagaganap na sakuna.

Samantala, binanggit ng alkalde na tinututukan na ng pamahalaang lungsod ang pagtaas ng mga kaso ng influenza-like illness upang makapagsagawa ng mga kaukulang hakbang para maprotektahan ang kalusugan ng mga Manileño.