Pamamaril

Binata binoga sa ulo, leeg ng 2 suspek, kritikal

Edd Reyes Oct 14, 2025
176 Views

TINARGET sa ulo ng isa sa dalawang hindi pa kilalang salarin ang 21-anyos na binata habang nakatayo sa tabi ng riles ng tren Lunes ng umaga sa Candelaria, lalawigan ng Quezon.

Nasa kritikal na kondisyon sa Candelaria District Hospital ang biktimang si alyas “Dennis”, residente ng Sitio Labak 1, Brgy. Poblacion, Candelaria matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at leeg habang mabilis na tumakas ang mga suspek na tinutugis na ng pulisya.

Sa ulat ng Candelaria Municipal Police Station, alas-7:40 ng umaga nang matanggap nila ang ulat hinggil sa insidente ng pamamaril sa Purok 1, Brgy. Malabanban Sur sa naturang bayan na kaagad nilang nirespondehan.

Ilang mga testigo ang nakakilala sa isang alyas “Tawa” na nagsilbing lookout at kasamang tumakas ng hindi kilalang gunman makaraan ang pamamaril.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan sa gunman habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.