Batangas

Taga-US hinuli sa pagsira ng apartment sa Batangas

252 Views

BATANGAS City – Inaresto ng pulisya ang isang dayuhan dahil sa kasong malicious mischief noong Martes, ayon kay police chief PLtCol. Ira Morello.

Ang biktima ay kinilalang si alyas Rust, 61, may asawa, negosyante, residente ng Brgy. San Isidro, Batangas City.

Ang suspek ay kinilalang asi alyas Joshua, 27, walang asawa, ng New York, Estados Unidos, at kasalukuyang nagrerenta ng apartment sa nasabing barangay.

Ayon sa imbestigasyon, nasa loob ng inuupahang bahay na pagmamay-ari ng biktima ang suspek nang mangyari umano ang insidente.

Sinira umano ng suspek ang banyo, kisame, built-in na mga kabinet, bintanang aluminyo, mga dingding, mga hawakan ng pinto, at iba pang mga aksesorya. Ang halaga ng pinsala ay tinatayang umabot ng P300,000.

Kaagad inereport ng biktima ang suspek sa mga otoridad.

Ang suspek ay naaresto sa follow-up operation na isinagawa ng Batangas Component City Police Station sa (BCCPS) sa Brgy. Sinisian East, Lemery, Batangas.

“Hindi namin papayagan ang mga gawa ng pandarambong at pagkasira ng ari-arian sa aming lalawigan, anuman ang nasyonalidad ng gumawa. Ang pag-aresto na ito ay nagpapakita ng aming pangako na panatilihin ang batas at protektahan ang mga karapatan ng mga may-ari ng ari-arian. Dine sa Batangas, walang takas!,” ayon kay PCOL Geovanny E. Sibalo, Batangas Police Director.