POGO Source: File photo

Anti-POGO Act pinapurihan

247 Views

PINAPURIHAN ni Senadora Risa Hontiveros ang pagkakapasa ng Anti-POGO Act (Republic Act No. 12312) na tuluyang nagbabawal sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.

“I am overjoyed about the Anti-POGO Act’s passage into law,” pahayag ni Hontiveros, na tinawag ang bagong batas na isang “makasaysayang pagwawasto” sa maling desisyong pinayagan noon ang industriya ng POGO na mag-ugat sa Pilipinas.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, matagal nang isinusulong ni Hontiveros ang pagpapatigil ng POGO operations matapos lumitaw sa mga imbestigasyon ng Senado na ito ay may kaugnayan sa human trafficking, cyber fraud, prostitusyon, at katiwalian sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, “Sa wakas, maiwawasto na ang pagkakamali ng nakaraang administrasyon sa pagpapasok ng industriya ng POGO sa bansa.”

Nagpaabot din siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga ahensya ng pamahalaan, mga dayuhang biktima ng trafficking tulad ni alias Ivy, at mga whistleblower na tumulong sa paglantad ng katiwalian sa likod ng industriya. Pinuri rin niya si Senador Win Gatchalian sa pagiging katuwang sa pagsulong ng batas.

“Mula sa mga menor de edad na pinilit pumasok sa prostitusyon hanggang sa mga scam hub ni Mayor Alice Guo, malinaw na napinsala ng mga POGO ang ating bansa sa paraang lampas sa ating inaakala,” sabi ni Hontiveros.

Dagdag pa niya, “Ngayon, malinaw na ang tungkulin ng pamahalaan: tiyakin na hindi na muling magiging pugad ng krimen ang Pilipinas para sa mga POGO.”

Binigyang-diin ni Hontiveros na ang pagpasa ng batas ay tagumpay hindi lamang ng Senado kundi ng sambayanang Pilipino. “Ito ay tagumpay ng bawat babae, bata, at manggagawang inabuso ng sistemang POGO—at tagumpay ng bawat Pilipinong tumindig para sa katarungan,” aniya.