DPWH

Higit na transparency, pananagutan sa paggamit ng pondo isinusulong

339 Views

NANAWAGAN sina Senadora Loren Legarda at Senador Sherwin Gatchalian ng higit na transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng gobyerno, kasabay ng panukalang ilipat sa edukasyon at mga serbisyong panlipunan ang matitipid mula sa mga kahina-hinalang proyekto ng imprastruktura.

Sa magkahiwalay ngunit magkaugnay na pagdinig sa badyet, hinikayat ni Legarda ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na suriin ang halos ₱1 trilyong proyekto na pinaghihinalaang overpriced o batay pa sa lumang presyo ng materyales, habang si Gatchalian ay nanawagan ng mas aktibong pakikilahok ng civil society organizations (CSOs) upang mapalakas ang pampublikong pagbabantay sa proseso ng badyet.

Ayon kay Legarda, na Chairperson ng Senate Committee on Higher, Technical, and Vocational Education, dapat ilaan sa pagpapatayo ng mga silid-aralan at iba pang proyektong pang-edukasyon ang anumang matitipid sa mga proyekto ng DPWH.

“Another source of savings, if I may, would be questionable 2025 projects,” aniya. “Dapat mag-renegotiate at ibaba ang presyo maski may kontrata dahil puwede naman iyon, may mga probisyon naman sa New Government Procurement Act. Hindi tayo dapat patuloy na magpaloko sa mga nag-o-overprice.”

Binigyang-diin ng senadora na maaaring gamitin ng DPWH ang kapangyarihan sa ilalim ng Republic Act No. 12009 upang itigil o baguhin ang mga kontratang overpriced. Kinumpirma ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagsimula na ang ahensya sa pag-a-adjust ng mga presyo ng materyales at magbibigay ng listahan ng mga proyektong maaaring renegotiate.

Samantala, sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, ipinahayag ni Gatchalian na dapat isama ang mga CSO sa pagsusuri ng pambansang badyet upang matiyak ang transparency.

“This is the first time we’re having consultations with CSOs,” sabi ni Gatchalian. “We’re thinking of improving the engagement with sectoral CSOs.”

Iminungkahi rin ng mga CSO na ilipat ang pondo mula sa mga proyektong imprastruktura ng DPWH tungo sa edukasyon, kalusugan, at transportasyon — isang mungkahing sinang-ayunan nina Gatchalian at Legarda.

Ayon pa kay Legarda, “Iyong savings na kaya nang ma-save ngayon, i-reallocate na natin sa ibang imprastruktura, at ang aming bias ay edukasyon, para sa school building.”

Binigyang-diin ng dalawang senador na ang pakikilahok ng mamamayan at matatag na pamamahala ng pondo ay susi sa muling pagbabalik ng tiwala sa pamahalaan at sa pagtitiyak na ang bawat pisong ginagastos ay para sa kapakinabangan ng taumbayan.