Trak Source: FB post

1 patay, 4 sugatan matapos bumangga trak ng harina sa poste ng traffic light sa QC

258 Views

ISA ang nasawi habang apat naman ang sugatan matapos sumalpok sa traffic light sa Quezon City ang isang trak na may kargang sako ng harina nitong Miyerkules ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si alias “Joel”, 28, residente ng Brgy. Del habang sugatan naman ang kasama niyang si alias “Arjay”, 30, kapwa residente ng Brgy. Del Rosario, San Fernando Pampanga.

Nagtamo rin ng mga pinsala ang driver ng trak at isa pang katulong.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Enforcement Unit, bandang alas-3:00 ng madaling araw nitong Miyerkules (October 29), nang maganap ang aksidente sa intersection ng Mindanao at Congressional Avenues, sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon, binabaybay ng Isuzu wing van truck na minamaneho ni alias “Michael”, 43, ang Mindanao Ave., galing Tandang Sora at patungong North Avenue sa lungsod.

Nawalan ng kontrol ang driver ng trak matapos mag-malfunction ang preno, na unang tumama sa Toyota Vios sedan. Pagkatapos ay bumangga ito sa isang taxicab, na ikinasugat ng mga driver ng parehong sasakyan.

Tumalon ang isa sa mga katulong ng trak na si alyas Joel mula sa sasakyan bago ito bumangga sa traffic light.

Isinugod siya ng mga rumesponde sa Quezon City General Hospital kung saan siya idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Nakapiit na ang driver ng trak habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.