Tino

131 na patay sa bagyong Tino sa Cebu

353 Views

UMAKYAT na sa 131 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Tino sa buong lalawigan ng Cebu .

Batay sa datos ng Cebu Provincial Government, pinakamarami sa mga nasawi ay mula sa bayan ng Liloan kung saan umabot ito sa 35, sinundan ito ng Cebu City na may 30 bilang ng patay at 25 naman sa bayan ng Compostela.

Isa ang patay sa bayan ng Consolacion, 9 sa Danao, 12 sa Mandaue, tig-isa sa Bantayan at Tabogon, dalawa sa Asturias at 8 sa Balamban.

Samantala sa hiwalay na ulat ng Office of Civil Defense (OCD), umabot naman sa 127 ang nawawala at 82 ang nasugatan.

Ayon kay OCD deputy spokesperson Diego Mariano, may mga naitala ring nasawi sa Negros Occidental na umabot sa 18. Nasa 12 naman ang patay sa Negros Oriental, anim sa Agusan del Sur at 2 sa Southern Leyte.

May tig-isang patay din sa Antique, Capiz,Iloilo , Bohol at Leyte.

Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot na sa 544,081 pamilya na katumbas ng 1,951,546 indibidwal ang apektado ng bagyong Tino sa walong rehiyon sa bansa .

Sa nasabing bilang, nasa 127,827 pamilya o 445,744 indibidwal ang nasa 4,933 evacuation centers.

Dahil sa labis na pinsala ng bagyog Tino, isinailalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sa state of national emergency ang bansa.