Arestado Source: Zamboanga Sibugay Police Provincial Office

Opisyal ng BIR sa Region 9 arestado sa pagkamatay ng 2 sikyu, korapsyon

Alfred Dalizon Nov 8, 2025
297 Views

NAARESTO ang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Region 9 na inakusahan ng tangkang pagsunog sa kanilang opisina sa Zamboanga Sibugay upang sirain ang ebidensiya ng embezzlement, matapos umanong patayin ang dalawang security guard.

Ang 47-anyos na Revenue Officer II ng BIR sa Ipil, Zamboanga Sibugay, ay naharang ng mga tauhan ng Ipil Municipal Police Station (MPS) sa isang anti-criminality checkpoint sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tiayon bandang ala-1 ng madaling-araw noong Huwebes, ayon sa ulat ni Police Regional Office 9 Director Brigadier Gen. Eleazar P. Matta kay Acting Philippine National Police (PNP) Chief Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr.

Ayon kay Matta, nang huminto ang sasakyan, napansin ng mga pulis na wala ang rear license plate ng metallic gray na kotse ng suspek kaya’t kanilang kinuwestiyon ang drayber.

Pinakiusapan ng mga pulis na pinamumunuan ni Major Pocholo Guerrero ang drayber na ibaba ang windshield at buksan ang cabin light.

Habang hinihingan ng lisensiya at rehistro ng sasakyan, nakita ng mga pulis ang isang mahabang baril sa tabi ng drayber.

Kalaunan ay kinilala ang drayber bilang isang Revenue Officer II ng BIR. Inamin niyang wala siyang Authority to Transport Firearms and Ammunition. Ipinakita niya ang isang PTT para sa caliber 9mm Kalashnikov semi-automatic rifle na nag-expire noong Mayo 22, 2024, at rehistro ng baril para sa isang 9mm Glock pistol.

Dinala ang suspek at ang nakuhang armas sa Ipil MPS.

Ayon kay Matta, habang ini-interview sa lokal na istasyon ng pulis, inamin ng suspek ang kanyang papel sa pagpatay sa dalawang security guard sa kanilang opisina.

Humingi ng abogado ang Ipil MPS upang kunin ang extrajudicial confession ng akusado na itinuro rin ang lugar kung saan itinapon ang hard drive ng kanilang computer matapos barilin ang mga biktima.

Sinabi ng opisyal na sinecure na ng mga pulis ang lugar habang hinihintay ang divers mula sa PNP Maritime Group upang hanapin ang hard drive sa ilalim ng Tenan Bridge.

“We’re investigating the suspect’s claim that he merely wanted to destroy documents in their office and later set it on fire to cover-up for the taxpayer’s money he already had embezzled. We’re also looking after some possible cohorts of the suspect,” ani Matta.

Dagdag pa ng Western Mindanao police director na lumabas sa imbestigasyon na nagbuhos ng gasolina ang suspek sa loob ng opisina hanggang sa main gate.

Gayunman, nang sindihan niya ang gasolina sa gate, umabot lamang ito sa pasukan ng BIR office bago kusang namatay ang apoy.

Inamin ng suspek na pinatay niya ang dalawang security guard matapos siyang makilala ng mga ito.

“He merely wanted to kill the would-be witnesses before taking their weapons. He really knew the building’s floor plan since he entered the site thru its backdoor,” ani Matta.
Sinabi ng opisyal na tinitingnan nila ang pagkawala ng milyon-milyong piso bilang resulta ng anomalya ng suspek.

“Initially, the local BIR office suspected that it could be the handiwork of the New People’s Army but we have already put aside that theory with the suspect’s confession,” aniya.

Ang dalawang security guard na nasawi ay sina Arcadz Muharal, 41-anyos, at Dante Jamie, 52-anyos, na pinatay bago mag-umaga noong Nobyembre 4.

Kinuha ng suspek ang storage disk ng CCTV system ng opisina bago tumakas.

Ayon kay Matta, haharap ang suspek sa kasong kriminal para sa double murder at paglabag sa Republic Act 10591, o Comprehensive Firearm and Ammunition Regulations Act of 2013.