Calendar
IPINAGKALOOB ng National Housing Authority (NHA) ang 700 Transfer Certificates of Title (TCT) sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Tala Development Project sa isang seremonyang ginanap sa Caloocan City Sports Complex, Caloocan City, noong Nobyembre 6, 2025.
Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai ang pamamahagi ng mga titulo, kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling.
Saklaw ng NHA’s Settlement Upgrading Program, ang Tala Development Project ay may kabuuang 149 ektarya ng lupang binubuo ng mga residential at commercial lots. Nagsimula ang kasaysayan nito noong 1995 nang ideklara ng Republic Act 7999 na 120 ektarya ng Tala Estate, na noon ay pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH) bilang isang leper colony para sa mga nagdurusa sa sakit at sa kanilang mga pamilya, na maaari nang ipamahagi bilang “alienable at disposable.”
Sa ilalim ng parehong batas, inatasan ang NHA na paunlarin ang lugar bilang isang housing site para sa mga Hansenites at kanilang mga pamilya, gayundin para sa iba pang kwalipikadong
benepisyaryo na nakatira sa mga kalapit na lugar.
“Ang mga titulong inyong matatanggap ngayon ay isang katibayang kayo na ang nagmamay-ari sa bahay at lupang itinalaga sa inyo sa Tala Development Project. Hangad po namin na ang mga tahanang ito ang magsilbing sandigan ng bawat pamilyang benepisyaryo at maging daan tungo sa kaginhawaan. Nawa’y alagaan at pagyamanin ninyo pa po ito,” saad ni GM Tai sa kanyang mensahe.
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Virgilio Reyes, chairperson ng Tala Development Project Homeowners’ Association, sa pagkakatanggap ng kanyang titulo, “Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa araw na ito. Sa wakas natanggap na po natin ang bunga ng ating mahal na pinangarap, ang ating inaasam na titulo,” wika nya.
Dumalo rin sa naturang okasyon sina Caloocan City 1st District Representative Oscar Malapitan, 3rd District Representative Dean Asistio, Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, at Caloocan City Councilor Vincent Ryan “Enteng” Malapitan.

