Calendar
PAGHAHANDA SA UWAN – Pinangunahan ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang isang coordination meeting nitong Biyernes, kasama ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang pangunahing departamento upang matiyak ang ganap na kahandaan at agarang pagtugon ng lungsod sa paglapit ng Bagyong Uwan.
Source: Marikina LGU
Signal No. 1 itinaas sa ibang lugar dahil sa Bagyong Uwan
ITINAAS na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa bansa dahil sa Bagyong Uwan.
Base sa update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng Nobyembre 7 ng alas-5 ng hapon, huling namataan ang Severe Tropical Storm Uwan sa layong 1,175 kilometers (km) silangan ng Eastern Visayas, sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
Taglay nito ang lakas ng hangin na 110 km per hour (km/h) at bugsong umaabot sa 135 km/h. Kumikilos ito pakanluran sa bilis na 25 km/h.
Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa timog silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan, Guinayangan, Calauag, Lopez, Buenavista, Catanauan, Mulanay, San Narciso, San Andres at San Francisco); silangang bahagi ng Romblon (Cajidiocan, San Fernando at Magdiwang); Camarines Norte; Camarines Sur; Catanduanes; Albay; at Sorsogon.
Signal No. 1 din sa Masbate; Northern Samar; Eastern Samar; Samar; Biliran; Leyte; Southern Leyte; at Northern at Central portions ng Cebu (Medellin, Daanbantayan, City of Bogo, Tabogon, San Remigio, Tabuelan, Borbon, Sogod, Tuburan, Catmon, Carmen, Danao City, Compostela, Liloan, Consolacion, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cordova, Asturias, Cebu City, Balamban, City of Talisay, Toledo City at Minglanilla) kabilang ang Bantayan at Camotes Islands.
Itinaas din ang Signal No. 1 sa hilagang silangang bahagi ng Bohol (Getafe, Talibon, Buenavista, Trinidad, San Miguel, Ubay, Alicia, Mabini, Bien Unido at Pres. Carlos P. Garcia); hilagang bahagi ng Negros Occidental (City of Escalante, Toboso, Sagay City, Cadiz City, Calatrava at Manapla); hilagang silangang bahagi ng Capiz (President Roxas, Pilar, Panay at Pontevedra); hilagang silangang bahagi ng Iloilo (Carles, Estancia, Balasan, San Dionisio, Concepcion, Batad, Sara at Ajuy); Dinagat Islands; at Surigao del Norte.
Base sa forecast, papasok na ito sa PAR gabi ng Biyernes o Sabado ng madaling araw.
Magla-landfall ito sa southern portion ng Isabela o northern portion ng Aurora gabi ng Linggo o Lunes ng madaling araw.
Tatawid ito sa Northern Luzon hanggang sa makarating sa West Philippine Sea sa Lunes ng umaga o hapon.
Ayon sa PAGASA, posibleng umabot sa typhoon category ang bagyo sa loob ng susunod na araw, at super typhoon category Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
OCD sa LGUs: Preemptive activities isagawa
Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes sa lahat ng local government units (LGUs), lalo na sa mga malapit sa tinatayang dadaanan ng papasok na Bagyong Uwan na maaaring maging super typhoon, na isagawa ang lahat ng “preemptive or preparatory activities” upang mabawasan ang magiging epekto nito.
“We have advised Northern Luzon, specifically Region 2 (Cagayan Valley), CAR (Cordillera Administrative Region), ‘yung Region 1 (Ilocos Region) to prepare dahil hindi lang po hangin ang kalaban natin dito. Nandiyan po ang banta ng matinding pag-uulan and, of course, ‘yung kasama nito ‘yung mga storm surge dito sa mga coastal communities,” sinabi ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, ang OCD deputy administrator for administration, sa isang online briefing.
Bukod sa mga rehiyong ito, kabilang din sa mga dapat maghanda ang Central Luzon, Calabarzon at Bicol.
Nagbabala rin ang OCD na maaaring maabot ng rain bands ng bagyo ang Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas at Eastern Visayas, na hanggang ngayon ay bumabangon pa mula sa pinsalang dulot ng Bagyong Tino (international name: Kalmaegi).
“We are preparing basically the entire Northern Luzon Island and Visayas for the possible impact nitong Bagyong Uwan,” dagdag ni Alejandro.
Sinabi niya na simula pa noong Huwebes ay na-activate na nila ang Inter-Agency Coordinating Cell ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa ilalim ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., at patuloy ang pag-update ng mga scenario.
Dahil sa lawak ng bagyo na may radius na 700 km mula sa sentro, sinabi ni Alejandro na may posibilidad itong magdulot ng malawakang pagbaha at landslide sa high-risk areas.
“This severe weather will bring widespread impact or effect dito sa mga areas na dadaanan at kasama doon sa kanyang rain band. Our NDRRMC is in full force at naka-red alert na po kami starting today and we are urging our local government units to implement hanggang Sunday ang kani-kanilang mga preemptive evacuation, that includes mandatory and preemptive evacuations doon sa mga areas na talagang susceptible to floods and landslides,” dagdag niya.
DOTr nakahanda sa bagyo
Samantala, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na nakahanda na ang buong puwersa nito at mga ahensiya sa ilalim nito para alalayan ang mga komyuter at mga residenteng maaapektuhan ng inaasahang matinding hagupit ng Bagyong Uwan, sa oras na pumasok ito sa PAR ng gabi ng Biyernes o Sabado ng umaga.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng gobyerno na paghandaang mabuti at gawin ang lahat para maibsan ang matinding epekto ng bagyo.
Ipinag-utos ni DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez sa mga opisyal ng ahensiya at mga attached agencies nito na regular na magbigay ng status at assessment reports para malaman kung ano pa ang mga kakailanganing hakbang ng ahensiya para sa mas maayos na emergency response.
“Kailangang nakahanda na tayo bago pa pumasok ‘yung bagyo. Ipinag-utos ng Pangulo sa atin na dapat maalagaan ang mga pasaherong ma-stranded, ma-mitigate ang mga epekto ng bagyo at mabilis ang responde natin sa mga ganitong sitwasyon,” ani Lopez.
Sa kautusang kanyang inisyu ng Biyernes, inatasan niya ang Philippine Coast Guard (PCG), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-deploy ng mga bus, trak at vessel para makatulong sa mabilis na evacuation ng mga residente at maghatid ng relief goods.
Inatasan din niyang mag-deploy ng sapat na tauhan ang PCG para tumulong sa mga lokal na pamahalaan sa rescue at rehabilitation operations.
Sinabi ng DOTr na agad-agad magpapatupad ang PCG, Philippine Ports Authority (PPA) at Cebu Ports Authority (CPA) ng no sail policy sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Iniutos din ni Lopez sa aviation at maritime sector agencies gaya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Airport Authority (MIAA), Clark International Airport Corporation, PPA, Maritime Industry Authority (MARINA) at Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) na bigyan ang mga stranded na pasahero ng pagkain, inumin at medical assistance.
Iniutos din ng acting transport chief sa Toll Regulatory Board (TRB) ang pansamantalang suspensiyon sa paniningil ng toll para sa mga sasakyang gagamitin sa emergency at rescue operations.
Sisiguruhin naman ng DOTr ang seguridad at integridad ng mga transport infrastructure gaya ng mga airport, seaport at riles ng tren para sa maayos na biyahe ng mga pasahero.
Nagpaalala naman ang DOTr sa mga airlines na wala dapat singiling rebooking fees o additional charges, at karapatan ng mga pasaherong humingi ng full refund sa kanilang kanseladong flights kung naisin man nila.
Koordinasyon siniguro sa Marikina
Sa Marikina, inatasan ni Mayor Maan Teodoro ang mga disaster response team ng lungsod na linisin ang mga daluyan ng tubig, ihanda ang mga evacuation site at tiyaking maagap ang pagtugon sa mga apektadong komunidad.
Pinangunahan ni Teodoro ang isang coordination meeting kasama ang Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang masiguro ang ganap na kahandaan at mabilis na pagtugon ng lungsod bago dumating ang Bagyong Uwan.
Upang masiguro ang kaligtasan at kahandaan ng mga residente, inatasan ng alkalde ang lahat ng kaukulang departamento na magsagawa ng malawakang paglilinis sa mga daluyan ng tubig at mag-preposition ng mga bangkang pang-rescue sa mga estratehikong lugar.
“Inatasan ko na ang ating mga operatiba na magsagawa ng massive declogging sa ating mga waterways upang masiguro ang maayos na daloy ng tubig,” ani Teodoro.
“Pinadirekta ko rin sila na mag-preposition ng rescue boats sa mga flood-prone barangay para masiguro natin ang mabilis na pagtugon sa posibleng evacuation,” dagdag pa niya.
Ayon kay Teodoro may kabuuang 36 evacuation camps na nakahanda sakaling kailanganing ilikas ang mga pamilya.
“Sa kasalukuyan, mayroon tayong 36 evacuation camps na nakahanda para sa mga pamilyang lilikas,” aniya.
Dagdag pa ng alkalde, na-activate na rin ang mga community kitchen ng lungsod upang agad na makapagbigay ng mainit na pagkain sa mga posibleng evacuees.
“Pina-activate ko na rin ang ating mga community kitchen para makapag-serve ng hot meals sa ating possible evacuees upang matiyak na may makakain sila habang nasa ating evacuation camps,” sabi ni Teodoro.
Bukod dito, sinabi ng alkalde na nakahanda na rin ang mga tauhan ng Marikina City Health Office upang tumugon sa mga agarang pangangailangang medikal na maaaring lumitaw habang nananalasa ang malakas na bagyo.
“Sa mga ganitong panahon, napakahalaga na coordinated ang lahat ng mga departamento upang masiguro natin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga residente rito sa Marikina,” aniya.
Binigyang-diin ni Teodoro na napakahalaga ng kahandaan upang maprotektahan ang buhay at ari-arian laban sa posibleng epekto ng Bagyong Uwan.
Hinimok niya ang mga residente na maging mapagmatyag, sundin ang mga opisyal na abiso mula sa pamahalaang lungsod, bantayan ang antas ng tubig sa Ilog Marikina at makipagtulungan sa mga lokal na awtoridad para sa kanilang kaligtasan.
“Nananawagan po tayo sa lahat na maghanda at makiisa. Sa sama-samang pagkilos, malalampasan natin ang anumang bagyo,” pahayag ni Teodoro. Nina MELNIE RAGASA-JIMENA, JUN I. LEGASPI & ARLENE RIVERA May kasamang ulat ng PNA

