Calendar
Pagbabayad ng housing loans pinagpapaliban ng DHSUD
ALINSUNOD sa pagdeklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng “state of national calamity”, ipinag-utos ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa mga key shelter agencies nito na ipatupad ang nationwide moratorium o pagpapaliban muna sa pagbabayad sa housing loans.
Hinikayat ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ngayon araw ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC) at National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) na agad ipatupad ang moratorium na ito.
“Alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Marcos Jr., hinikayat natin ang ating mga attached agencies na magpatupad ng pansamantalang moratorium sa housing amortization ng ating mga member-beneficiaries sa buong bansa,” ani Secretary Aliling.
“Malaking bagay na maibsan natin ang alalahanin ng ating mga kababayan ngayong panahon ng sakuna. Ito ay agarang ambag ng DHSUD sa panawagan ng Pangulo upang ipaabot ang tulong ng gobyerno sa mga nasalanta ng kalamidad,” dagdag ng kalihim.
Nitong Huwebes ay nagdeklara ng state of national calamity ang Pangulo kasunod nga ng malawakang pinsalang naidulot ng Bagyong Tino sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao at ang posibleng magiging epekto ng isa pang bagyo na papasok sa bansa.
Bukod sa moratorium, ang mga modular housing units na naitayo ng DHSUD sa Bayanihan Village, San Remigio, Cebu ay nagsilbing temporary shelter din ng higit 100 pamilya noong kasagsagan ng Bagyong Tino.
Bago pa man nanalasa ang nasabing bagyo, naatasan na ng DHSUD ang lahat ng regional shelter clusters upang makapaghanda at makipagtulungan sa ibang mga ahensya ng pamahalaan para sa mas epektibong disaster response.
Ayon kay Secretary Aliling, tuluy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng DHSUD sa ibang ahensya ng pamahalaan upang mas efficient ang pagre-responde.
Mahalaga din aniya na laging proactive at handang tumulong ang DHSUD at lahat ng key shelter agencies niyo sa oras ng sakuna.

