Suspended

Yorme Isko tiniyak kaligtasan ng publiko sa rally ng INC

Dennis Abrina Nov 7, 2025
136 Views

SINUSPINDE ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang face-to-face classes sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa lungsod sa Nobyemre 17, Lunes at 18, Martes upang bigyang daan ang isasagawang mapayapang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand.

Ayon kay Domagoso, lahat ng paaralan sa Maynila ay inaabisuhang mag-shift sa Alternative Delivery Mode (ADM) sa dalawang araw na suspensiyon ng klase.

Sinabi ng alkalde na magkakaloob din ang pamahalaang lungsod ng “perimeter support” kabilang ang traffic, parking, police, at medical assistance sa buong panahon ng pagsasagawa ng rally upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa kapaligiran ng Luneta.

“While we know that the INC is very organized whenever it holds a rally, the City Government of Manila will deploy teams to monitor and provide assistance outside Rizal Park,” sabi ng alkalde.

Magtatalaga rin ng 14 na ambulansiya sa mga pangunahing lugar sa paligid ng Rizal Park na magagamit para sa agarang pangangailangan.

Kahit aniya batid niya na ang INC ay hindi umaalis sa lugar ng hindi nila ito nililinis, pinakilos pa rin niya ang Department of Public Services (DPS) upang mapanatili ang kalinisan, lalu na sa lugar na inaasahang dadagsain ng mga ambulant vendors.

Bukod sa pagtatalaga ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) inatasan din niya ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na mag-deploy ng mga traffic enforcers na mangangasiwa sa daloy ng trapiko sa paligid ng Rizal Park.